Isang unibersidad sa Cebu, may nakatutuwang larawan ng mga masisikap na education students; netizens, na-inspire

  • Viral sa social media ang larawan ng mga education students na abala sa pagtapos nila ng mga requirements
  • In-upload ito ng isang unibersidad sa Cebu upang ipakita sa mga nais maging guro ang kanilang pagdadaanan para magkaroon ng degree
  • Maraming netizens naman ang naka-relate at lalong na-appreciate ang sakripisyo ng kanilang mga guro para sa kanila

Pangarap ng bawat mag-aaral ang makatapos ng kanilang pag-aaral. Ngunit bago makuha ang inaasam na titulo at diploma, maraming sakripisyo ang dapat pagdaanan ng isang mag-aaral, kabilang ang paglalaan ng maraming oras sa pag-aaral at pagtapos ng mga requirements.

Ganito ang naging laman ng isang Facebook post ng Cebu Normal University – Medellin Campus Alumni Association. Ipinakita nila sa kanilang mga social media followers ang pinagdaraanan ng mga education students upang makuha ang kanilang degree.

Larawan mula sa Cebu Normal University – Medellin Campus Alumni Association

Sa mga larawang ibinahagi ng CNU Alumni Association Facebook page, ipinarating nila ang mensahe sa mga nakatakdang kumuha ng kursong education na hindi magiging madali ang kanilang pagdaraanan bago maging ganap na guro.

Una, kailangan daw ay handa ang mga estudyanteng kukuha ng education sa tambak na paper works at napakaraming aklat at handouts na kailangang basahin. Kailangan din umanong paghandaan ang budget at diskarte sa paggawa ng mga visual aids na gagamitin sa iba’t ibang report at ang kanilang demo kapag nagpa-practice teaching na.

Dahil sa dami ng gawain, bukod pa ang mga exam at iba pang activities, madalas daw ay hindi na nagkakaroon ng sapat na tulog at pahinga ang mga future ma’am at sir kaya naman kasama rin sa mga larawang in-upload nila ang mga education students na nakatutulog na sa pagkakaupo at ang ilan naman ay nakakatulugan na ang kanilang ginagawang requirements.

Marami ang naka-relate sa ibinahaging larawan ng CNU Alumni kaya agad na nag-viral ang mga larawan sa social media. Umani lang naman ito ng halos 9,000 reactions, 3,800 comments, at 56,000 shares. Marami rin ang nagbahagi ng kani-kanilang damdamin tungkol sa pinagdaraanang ito ng mga estudyante para lamang makapagtapos.

Larawan mula sa Cebu Normal University – Medellin Campus Alumni Association

May nagkomento na sobrang nakikita niya raw ang sarili niya sa mga mag-aaral sa larawan. Ngunit pagkatapos daw ng kolehiyo, tinatamasa na niya ang tagumpay bilang isang regular-permanent teacher sa isang pampublikong paaralan.

Sabi naman ng iba, ang larawan ay patunay lamang na dapat pahalagahan ng pamahalaan ang mga guro dahil hindi biro ang mga sakripisyo nila mula noong sila ay estudyante pa lamang hanggang sa sila’y maging ganap nang guro.

Loading…