Jewel in the Palace, Jumong, Amazing Twins: Ano ang paborito mong period Asian drama?

  • Minahal ng mga manonood noon ang mga period Asian dramas
  • Nagustuhan ng viewers ang kuwento at aksiyon sa mga ganitong klaseng serye na ginastusan ang production
  • Ilan sa mga tumatak na serye ang Amazing Twins, Jewel in the Palace, at Jumong

Tatak na ng Asian dramas ang paiyakin at pakiligin ang kanilang mga manonood. Maraming Pilipino ang nawiwiling manood ng mga K-drama hanggang sa kasalukuyan dahil sa mahusay na istorya, lalo na ang mga kuwento ng pag-iibigan at pagmamahalan.

Ngunit hindi lamang mga pampakilig ang dala ng mga Asian dramas na sumikat sa Pilipinas. Nakapagpalabas din ang iba’t ibang television network sa Pilipinas ng mga period drama o mga seryeng hango sa nakaraan at makasaysayang lugar.

Larawan mula sa Wikipedia

Tumatak ang ilang period drama na ipinalabas sa Pilipinas. Kabilang sa mga ito ay ang seryeng Amazing Twins, Jewel in the Palace, at Jumong na naging highest rating shows pa sa kani-kanilang timeslot. Unang ipinalabas sa mga period drama na ito ay ang nagpasikat din ng Asianovela sa Pilipinas na Amazing Twins.

Napanood ang pakikipagsapalaran ng kambal na sina Charile at Gary sa IBC-13 noong 2003 na ipinalit sa talent search na Star for a Night kung saan nanalo ang Popstar Royalty na si Sarah Geronimo.  Marami ang humanga sa maaksiyong palabas na ito na nagpaalala sa marami ng mga sikat na pelikula noon nina Jackie Chan at Jet Li.

Maganda naman ang naging ratings ng Amazing Twins sa IBC-13 ngunit mas marami ang nakapanood nito nang muling ipalabas sa ABS-CBN ilang taon matapos ang premiere sa Pilipinas. Marami din ang na-LSS sa theme song nito na Puso Kong Nabihag Mo Na.

Sumunod namang ipalabas ay ang award-winning period drama na Jewel in the Palace. Napanood ito sa GMA Network noong 2005 sa primetime. Kuwento ito ng simpleng babae na si Dae Jang Geum na naging mahalagang tao sa palasyo dahil sa kanyang talino at kabutihang loob.

Larawan mula sa YouTube

Kahit nasa ikatlong timeslot ito sa primetime, nakuha nito ang pinakamataas na rating sa buong bansa hanggang noong 2006. Marami din ang humanga sa ganda ng bida nitong ginampanan ni Lee Young Ae.

Sunod namang ipinalabas ang kuwento ni Jumong na isang mandirigma noong sinaunang Korea. Napanood ito sa GMA noong 2007 sa primetime slot na mabilis ding naging highest rating. Minahal din ng mga manood ang maaksiyong kabanata sa serye na sinabayan pa ng theme song na ‘Hold On’ ng bandang Shamrock.

Loading…