Jinri Park, ikakasal na; unang bahagi ng seremonya, ginawa sa South Korea

  • Ikakasal na ang TV personality na si Jinri Park sa kanyang Pinoy boyfriend sa March 2020
  • Pero bago ang official wedding ceremony, sumailalim muna sila sa Korean wedding bilang tradisyon
  • Malugod naman daw tinanggap ng pamilya ni Jinri ang kanyang mapapangasawa na si John

Sasalubungin ng aktres, TV host, at modelo na si Jinri Park ang bagong yugto ng kanyang buhay ngayong bagong taon. Masayang inanunsiyo ni Jinri sa kanyang Instagram account ang unang bahagi ng seremonya ng kanyang kasal na ginawa sa South Korea.

Kalakip ang ilang mga larawan, sinabi ni Jinri na masayang tinanggap ng kanyang pamilya ang asawang si John sa ginawang Korean wedding bilang pagsunod sa tradisyon ng kanyang lahi. Ngunit nilinaw ni Jinri na ang opisyal na wedding ceremony ay gagawin sa March ng taong ito.

Larawan mula sa Instagram account ni Jinri Park

“Sharing my Korean wedding pictures. Welcome to our family John! Love you forever! PS – this wasn’t an official wedding, just a small ceremony for my family in Korea. Real official wedding is in March 2020,” pahayag ni Jinri sa kanyang post na umani na ng halos 28,000 likes.

Noong Hulyo, masayang inanunsiyo ng ex-Pinoy Big Brother Housemate ang kanyang engagement kay John sa pamamagitan ng kanyang vlog. Nagkakilala raw sila ni John dahil sa isang common friend. Nagsilbi rin daw niyang tour guide si John sa isa sa kanyang mga travel noon.

Paliwanag ni Jinri, bagama’t laki sa Australia si John ay Pinoy naman ito kahit hirap sa pagsasalita ng Filipino. Biro pa ni Jinri, mas mahusay daw siyang magsalita rito ng wika natin. Hindi rin tinukoy ni Jinri kung sa Pilipinas ba gagawin ang kanilang kasal sa Marso.

Larawan mula sa Instagram account ni Jinri Park

Bago pumasok sa PBB ay napapanood na si Jinri sa iba’t ibang shows noon sa GMA. Nakasama siya sa isang sitcom ni Vic Sotto at lumabas din sa bagong bersiyon ng Encantadia noong 2016. Nagkaroon din siya ng coffee table book na nagkaroon ng dalawang volume kung saan mas naging maugong ang kanyang pangalan.

Sa kasalukuyan, hindi gaanong aktibo si Jinri sa telebisyon ngunit marami pa rin siyang netizens na napapasaya sa kanyang vlog na The Jinri Experience kung saan mayroon na siyang halso 54,000 subscribers.

Loading…