Kailan mo hahayaang nakabukas ang pinto para sa pag-ibig? – Jennylyn Mercado sa mga netizens

  • Nalalapit na ang post-Valentine’s Day concert nina Jennylyn Mercado at Dennis Trillo
  • Ang CoLove Live concert ng dalawa ay tatalakay sa kuwento ng pag-ibig na hindi umano malilimutan ng mga manonood
  • Matapos ang isang taong relasyon ng dalawa noong 2010 ay muling nagkabalikan sina Jennylyn at Dennis noong 2015: May maganap kayang wedding proposal sa concert na ito?

May post-Valentine’s Day concert ang magkasintahang sina Jennylyn Mercado at Dennis Trillo sa Pebrero 15, 2020 na pinamagatang CoLove LIVE na gaganapin sa New Frontier Theater.

Siyempre, may tema ito ng pag-ibig na magpopokus sa pag-iibigan nina Jennylyn at Dennis. Gayunman, tiniyak ng aktres na magbibigay ito ng inspirasyon sa mga manonood.

Imahe mula sa Facebook page ni Jennylyn Mercado

Sa isang Instagram post ni Jennylyn, may mga tanong ito sa mga netizens: “Kelan mo nga ba malalaman kung papapasukin mo ang isang tao sa buhay mo? Kailan mo hahayaang nakabukas ang pinto para sa pag-ibig?”

“Kapag ang taong mahal mo ay lumabas ng pinto, tuluyan mo na bang pagsasarhan ito? O muli mong papapasukin sa tamang oras at panahon?” dagdag pa ni Jennylyn.

Batay sa post na ito ng aktres, tumutukoy nga ito sa pag-iibigan ng dalawang Kapuso stars.

Noong 2010 ay nabalitang nagkakamabutihan na sina Jennylyn at Dennis ngunit agad na naghiwalay matapos ang isang taong pag-iibigan. Batay sa mga lumang artikulo tungkol sa kanila, umamin naman ang dalawa na kapuwa pa sila immature sa pinasok nilang relasyon.

Ngunit nitong 2015 ay muling nagkrus ang landas ng dalawa na pareho pang mahal na mahal ang isa’t isa. Mula noon ay ipinagpatuloy nila ang kanilang pagmamahalan. At ngayon nga ay maglilimang taon na ang relasyon nina Jennylyn at Dennis,

Imahe mula sa Facebook page ni Jennylyn Mercado

Sa isang panayam, ipinahayag ni Dennis na si Jennylyn nga ang kaniyang “one great love.”

Samantala, sa isa pang Instagram post ng singer-actress ay hinikayat niya ang lahat na bumili na ng ticket para sa kanilang concert na tiyak na hindi malilimutan ng mga manonood.

“Maraming salamat sa lahat ng bumili ng tickets. Sa mga hindi pa, buy your tickets now. Excited na kaming mapaouod niyo ang isang kakaibang concert tungkol sa pag-ibig na hindi ninyo makakalimutan!” saad ni Jennylyn.

May maganap kayang wedding proposal?

Loading…