Kakaibang porma ng isang bahay na tila nakalutang, kinabibiliban at kinatutuwaan ng netizens

  • Trending sa social media ang kakaibang porma ng isang bahay na tila nakalutang
  • Maliit kasi ang unang palapag nito habang ang second floor ay mas malawak kaya mistulang nakalutang ito
  • Hindi kuha sa Pilipinas ang larawan ngunit patok ito maging sa mga netizens mula sa ating bansa

Maraming larawan ang kumakalat sa social media na nagpapakita ng iba’t ibang disenyo ng mga bahay. Mayroong talaga namang malalaki at napakaganda ng pagkakagawa. May mga bahay din na kahit maliit lamang ang espasyo ay nagawa nilang mapagkasya ang kanilang mga gamit.

Pero viral ngayon sa social media ang larawan ng isang bahay na mayroong kakaibang porma at disenyo at tila nakalutang. Namamangha ang maraming netizens kung paano nananatiling nakatayo ang bahay at paano ito nagawa ng may-ari.

Larawan mula sa Facebook post ni Matheus Pereira Projetista

Inupload ni Matheus Pereira Projetista sa kanyang Facebook account ang larawan ng isang simpleng bahay lang naman pero kakaiba ang pagkakagawa. Mayroon itong unang palapag na napakaliit lamang ng espasyo. Ngunit ang ikalawang palapag ng bahay ay tila nakalutang dahil mas malawak ito kaysa sa unang palapag.

Karaniwan kasi, normal lamang na mas malawak ang first floor kaysa sa ikalawang palapag dahil ito ang magsisilbing pundasyon ng ikalawang palapag. Kaya naman nakamamanghang naitayo ang ikalawang palapag kahit sobrang liit ng nasakop na espasyo ng ibabang bahagi ng bahay.

“Challenging physics, mathematics, gravity, engineering, space, time, NASA, Einstein, and the Holy Spirit,” sabi ni Matheus sa kanyang post na umabot na 17,000 reactions, 14,000 comments, at 215,000 shares.

Hindi sa Pilipinas ang naturang bahay sa viral Facebook post. Ayon sa isang netizen na nagkomento sa post ni Matheus, ang bahay daw na iyon ay matatagpuan sa Petare, Venezuela kung saan normal lamang ang mga ganoong uri ng tahanan na ginagawang makabuluhan ang bawat espasyo.

Larawan mula sa Facebook post ni Matheus Pereira Projetista

May mga netizens naman na namangha sa kung sinuman ang bumuo ng trending na bahay. Sigurado naman daw sila na hindi isang engineer ang bumuo nito dahil sobrang simple lamang ng mga materyales na ginamit at mukhang simpleng pamilya lamang ang nakatira sa bahay.

Ang ilang netizens naman na mula sa Pilipinas na nagkomento sa larawan ay sinasabing bagay din ito sa Pilipinas lalo na sa mga lugar na maliliit lamang ang espasyo. Makatutulong daw ito upang magkaroon nang mas malaking bahay ang ilan sa ating mga kababayan.

Loading…