Kape, Milo, o powdered milk: Ano ang paborito mong ulamin sa kanin?

  • Maraming simple at instant ulam ang nagpasarap sa pagkain ng marami sa atin
  • Kabilang sa mga ito ay ang kape, Milo, at powdered milk
  • Sabi ng ilan, ito raw ang naging ulam nila noong ayaw nila ang luto ni nanay o walang budget

Talagang hilig na ng mga Pilipino ang kanin. Marami sa atin ay tila hindi busog sa almusal, tanghalian, o hapunan kapag hindi kanin ang kinain. Kahit anong ulam, basta mayroong kanin ay solb na sa kanilang pagkain.

Isa sa nga tatak ng pagkahumaling natin sa kanin ay kahit ano na lamang ang maiulam dito. Kahit na hindi dapat ipares sa kanin talaga, ay nadiskubre ng ilan sa atin na bagay palang iulam. Kabilang sa mga ito ay ang ilang paboritong inumin na nakagawian nang isabaw o ibudbod sa kanin at instant ulam na.

Larawan mula sa Facebook page na Bagumbayan Sultan Kudarat “Ang Banwa Ko”

Ang mga inumin na ito ay ang kape, chocolate powdered milk drink na Milo, at ang powdered milk na nagpapasarap ng pagkain ng marami sa atin. Hindi lamang sa almusal bumibida ang kape. Kung sa ibang bahagi ng daigdig ay madalas itong ipares sa tinapay, ibahin n’yo ang mga Pilipino dahil mistulang 2-in-1 na ang almusal ng marami sa atin dahil isinasabaw na ang timpladong kape sa kanin.

Sarap na sarap ang maraming bata, maging matatanda, na isabaw ang kape sa kanin. May ilan na gustong may asukal ang kape, habang ang ilan ay nananatiling black coffee lamang. Para naman sa iba, mas malasa sa kanin kung hahaluan ng creamer. Level up naman ang pag-uulam ng iba dahil iyong mga 3-in-1 instant coffee mixes ang nais iulam sa kanin.

Kung para sa iba, hindi masustansya ang kape na iulam sa kanin lalo na sa mga bago, may healthier option naman diyan ang mga kabataan—ang Milo at powdered milk. Ginawa talaga ng food company na Nestle ang Milo bilang instant chocolate drink. Tinitimpla ito sa mainit o malamig na tubig at sinasabing nakapagbibigay ng enerhiya sa mga bata.

Pero sa mga kabataang Pinoy, hindi na kailangang itimpla ang Milo at kailangan na lamang itong ibudbod sa kanin at instant ulam na. Gustong-gusto ng mga nag-uulam ng Milo ang matamis at chocolaty nitong lasa na tiyak ay makapagbibigay sa kanila ng sapat na enerhiya para sa kanilang mga gawain.

Larawan mula sa Facebook page na Budget Recipes

Ganito rin ang ligayang dulot ng powdered milk sa ilang mga nag-uulam nito. Matamis din kasi ang gatas kahit walang asukal na nagbibigay lasa sa kanin. Sabi pa ng ilan, swak daw ito sa mainit na kanin dahil tila natutunaw ang gatas na lalong nagpapasarap ng kanilang kain.

Maraming netizens ang maraming alaala sa ganitong klase ng ulam. Ayon sa kanila, ito raw ang nagsalba sa kanila kapag hindi nila gusto ang lutong ulam ni nanay. Ang iba naman, kapag walang pambili ng ulam, ang mga ito ang nagsilbi nilang panlaman-tiyan.

Loading…