Karamihan sa mga evacuees ang nananatili pa rin sa evacuation centers sa kabila ng pagbaba ng Taal alert level

  • Mas maraming evacuees ang piniling manatili pa rin sa evacuation centers kahit ibinaba na ang alert level ng Taal
  • Malaking problema pa ang kahaharapin ng mga gustong bumalik sa kanilang mga bayan tulad ng kawalan ng supply ng tubig at kuryente
  • Delikado rin sa bata at matatanda ang makapal na abo na bumalot sa kanilang bayan

Hindi pa aabot sa 30 porsyento ng kabuuang bilang ng mga evacuees sa mga evacuation centers sa Batangas at mga kalapit na probinsiya ang bumalik sa kanilang mga tahanan matapos ibaba ang alert level ng Taal.

Imahe mula sa Tempo

Pinili ng mas nakararami ang manatili pa rin sa mga temporary shelters na pinagkakanlungan nila.

Isa si Ginang Gloria Marcellana, 66 anyos, na pansamantalang nanunuluyan sa Batangas Provincial Sports Complex ang nagdesisyong hindi muna bumalik sa kanyang bahay sa bayan ng Taal.

Aniya, gusto na niyang makauwi dahil nami-miss na niya ang bahay nila na naipundar nilang mag-asawa, pero narinig daw niya na nakikipagtalo ang pamangkin niyang si Noriel sa ilang evacuees. Sinasabi raw ng pamangkin na hindi pa ligtas bumalik sa kanilang  bayan.

Maganda naman daw ang punto ng pamangkin kaya nagdesisyon sila na manatili sa evacuation center hangga’t wala pang kasiguruhan na ligtas nga na bumalik na sa kanilang bayan.

Sa 356 na pamilyang nasa Batangas Provicial Sports Complex, siyam na pamilya lang ang nagdesisyong lisanin na ang evacuation center.

Imahe mula sa PNA

Ayon kay Batangas Governor Hermilando Mandanas, binigyan man ng opsyon ang mga evacuees na makabalik sa kanilang mga tahanan, may malalaking problema silang kahaharapin doon.

Una, wala pang supply ng kuryente at tubig. Ikalawa, delikado para sa kalusugan ng mga matatanda at bata ang makapal na abong bumalot sa kanilang mga bayan at ikatlo, ang mga bahay ng mga evacuees at iba pang istruktura sa kanilang bayan ay maaaring hindi na ligtas panirahan dahil sa napakaraming pagyanig na naganap.

Screenshot mula sa video ng CNN PH

Ito ang mga dahilan kaya nais ng gobernador na manatili ang mga evacuees sa mga evacuation centers hanggang ang lahat ay maging malinis at maayos.

“Our evacuation are still open for them, the distribution of food packs and other basic needs will continue for those who want to remain,” pahayag ng gobernador sa isang media briefing.

Dagdag pa ni Mandanas, hindi pa rin nawawala ang posibilidad na muling mag-alburoto ang Taal kaya mas mabuti pa ang manatili muna sa evacuation centers.

Loading…