Kim Chiu, naka-relate sa tema ng ‘Love Thy Woman’, umaming marami ring pamilya ang ama

  • Gaganap na mistress si Kim Chiu sa bagong teleserye nitong Love Thy Woman
  • Ang tema ng teleserye ay may malaki ring kaugnayan sa tunay na buhay ni Kim
  • Sa isang panayam, binunyag ng aktres na bagama’t sila ang unang pamilya ng ama ay marami itong naging asawa

Lumabas na ang trailer ng bagong teleserye na pagbibidahan ni Kim Chiu—ang Love Thy Woman. Batay sa trailer, iikot ang kuwento nito sa dalawa o posibleng tatlong pamilya ng Chinese billionaire na ginampanan ni Christopher de Leon.

Si Kim ay gumanap bilang anak ni Christopher sa mistress nito na ginampanan ni Sunshine Cruz. Habang ang legal family naman ay ginampanan nina Eula Valdez at Yam Concepcion.

Imahe mula sa Facebook page ni Kim Chiu

Sa wakas ng trailer, lumabas din ang karakter ni Ruffa Gutierrez na tila ibubunyag na may anak din siya ng karakter ng mahusay na aktor.

Ang ganitong tema ng Love Thy Woman ay may malaking kaugnayan pala sa tunay na buhay ni Kim.

Sa report ng Pep, inamin ni Kim na marami siyang kapatid dahil nagkaroon ng maraming asawa ang kaniyang amang si William Chiu Jr. Sa kabila nito, naging responsable pa rin daw ang kaniyang ama sa mga tungkulin nito sa bawat pamilya.

Lumaki umano si Kim na walang ‘father figure’ kahit pa sila ng kaniyang ina ang unang pamilya. Madalas daw noon magtaka ang aktres kung bakit madalas wala ang kaniyang ama. Kalaunan ay natanggap na rin ni Kim ang sitwasyon ng kanilang pamilya.

Kapag daw may espesyal na okasyon ay bumabawi naman ang kaniyang ama. Nagbalik-tanaw pa nga ang aktres sa Graduation Day nito noong elementarya kung saan nagulat na lamang siya sa pagdating ng ama.

Ang ama ang nakasama ni Kim na umakyat noon sa entablado upang tanggapin ang award bilang honor student.

Imahe mula sa Facebook page ni Kim Chiu

Ayon pa sa report ng Pep, naiyak bigla si Kim nang sabihin nito na naging inspirasyon niya sa pag-aaral ang paglalaan ng oras ng kaniyang ama sa mahahalagang okasyon sa kaniyang buhay.

Samantala, isa umano sa mga natutuhan ni Kim habang nagtataping ng Love Thy Woman ay ang mas nauunawaan na niya ang kalagayan ng kaniyang mga kapatid sa ama.

Source :

Pep, YouTube

Loading…