Kumikitang kabuhayan: Naranasan mo na rin bang maghanap at magtinda ng tanso noon kapag gipit ka?

  • Isa sa mga paraan ng mga kabataan at ilang nakatatanda noon para kumita ay ang pangangalakal
  • At ang mabenta noon ay ang mga tanso na talaga namang nakapagbibigay kita sa marami sa atin
  • Marami ang naka-relate sa post ng isang FB page kaya naman kanya-kanyang kuwento rin ang mga netizens

Maraming paraan ang ilan sa atin upang kumita ng ekstrang pera lalo na sa mga panahong gipit sila o mayroong pinag-iipunan. Mayroong iba na tumutulong sa negosyo o tindahan ng kanilang mga magulang o lolo o lola para magkaroon ng pera. May iba naman na pinipiling gumawa ng assignment o project ng kaklase kapalit ang maliit na bayad.

Pero ang ilan, pinipiling maging diskarte sa pamamagitan ng mga bagay na patapon na sana. At isa sa naging takbuhan ng ilang kulang sa badyet ay pagbebenta ng mga tanso mula sa mga electric wires na hindi na ginagamit.

Larawan mula sa Facebook page ng Usapang Lasheng

Marami ang naka-relate sa Facebook post ng page na Usapang Lasheng kung saan itinampok nila ang larawan ng isang kumpol ng tanso. Maaari kasi itong ibenta sa junk shop sa malaking halaga kada kilo. Madali ring ipunin ang mga tanso dahil may kabigatan ito.

Maaaring makuha ang tanso sa mga lumang electric wires na binabalatan upang makuha ang mga tanso sa loob nito. Kilala kasing electrical conductor ang mga tanso o copper wires. Isa rin ito sa mga dahilan kung bakit mabenta ito sa mga junk shop dahil ipinagbibili rin nila ito sa mga kompanyang gumagawa ng wires.

Dahil relatable ang post na ito ng nasabing FB page at marami ang nakaranas kaya agad itong nag-viral. Sa kasalukuyan, may higit 5,000 likes, 760 comments, at 14,000 shares na ang larawan at maraming netizens ang nagbabahagi ng kanilang mga karanasan.

Sabi ng ilang netizen, ginagawa raw nila ito kung mayroon silang gustong laruan at hindi sila mabigyan ng pera ng kanilang mga magulang. Naghahanap daw sila ng tanso at ibebenta sa junk shop para magkaroon ng pambili ng kanilang laruan.

Larawan mula sa Freepik

“Gawain ko yan dati lalo na kapag may gusto akong laruan na di kayang ibigay nila papa nananso ako,” salaysay ng isang netizen.

May ilan namang netizen na ang kanilang pinagbentahan sa pagtatanso ay ginagamit nila sa pagre-rent ng computer sa Internet shop noon. Biro naman ng ilan, ang mga tanso daw ang totoong depinisyon ng “old but gold” dahil sa kitang ibinbigay nito sa kanila.

Loading…