‘Kung mali ako, hayaan n’yong panagutan ko sa batas’: Mayor Isko sinagot ang bumabatikos sa mga billboard niya

Imahe mula sa Facebook | Manila Public Information Office
  • Sinagot ni Manila Mayor Isko Moreno ang mga bumabatikos sa kaniya dahil sa kaniyang mga endorsements
  • Sabi ng lawyer na si Fahima Tajar, paglabag ito sa Section 40 ng Local Government Code
  • Paliwanag naman ni Moreno, wala ni piso siyang nahahawakan sa kinikita dahil idino-donate niya ito

Sinagot ni Manila Mayor Isko Moreno ang post ng isang abogado na nilalabag niya ang Section 40 ng Republic Act 7160 o ang Local Government Code na nagbabawal sa mga gobernador at mayor na gumanap sa iba pang trabaho bukod sa kanilang pagiging local chief executives.

Imahe mula sa Facebook | Fahima Tajar

Ito ay matapos makita ni Atty. Fahima Tajar ang mga billboard ni Moreno sa EDSA. “Lakas maka-invoke na sumunod sa batas eh s’ya yung lumalabag. Kapag ikaw, okay lang?” sabi niya sa kaniyang post.

Paliwanag ni Domagoso lahat ng kinikita niya sa mga advertisements na umabot na raw sa P50 million ay itinutulong niya sa nangangailangan at wala ni piso siyang kinikita mula rito. Nag-abot daw siya ng tulong sa mga naapektuhan noon ng lindol sa Cotabato gayundin sa mga apektadong residente ng Batangas.

Kinuwestiyon niya rin ang intensiyon ng bumabatikos sa kaniya.

“Nagagalit kayo, pinagalitan ko kayo nung pinturahan yung pader dito e hiningi ko lang ‘yun, ipinanglimos ko lang ‘yun dahil dugyot yung underpass. Ngayon sasama ang loob ninyo nung nagkaroon ng gobyerno na nagsasaayos lang? Dahil sumama ang loob niyo, hahanapan ninyo ng butas ng may butas…Wag po,” sabi niya.

Sabi naman ni Tajar, hindi raw dapat gamiting dahilan  ang “good cause” upang lumabag sa batas. “Kapag yung pa-cute na mayor ang lumabag sa batas, okay lang kasi napupunta naman for a ‘good cause’ through donations ang talent fee n’ya sa endorsements ng produkto,” sabi niya. “Pero yung vendor na nasa kalsada para magtinda at buhayin ang pamilya n’ya, hindi pwedeng lumabag sa batas kasi hindi yun for a good cause? Papakainin mo yung pamilya mo, hindi ba yun good cause?”

Pero sabi ni Moreno, hindi raw siya titigil sa ginagawa niya dahil maraming naaabot ang perang kinikita niya rito.

“Maraming naabot yung perang ipinamahagi ng mga pribado sa ginagawa kong pag-endorso para sa kapakinabangan ng mga nalulugmok, biktima ng trahedya, then I will continue to do it. I will not stop. Mamatay ka sa inggit,” sabi niya.

Imahe mula sa Manila Public Information Office

Ngunit kung mali raw ang ginawa niya ay pananagutan niya ito sa batas. “Ngayon tutal lawyer ka, I challenge you. Taxpayer ka naman e. Kung mali ang ginawa ko, hayaan ninyong panagutan ko sa batas.”

Humingi rin si Mayor Domagoso ng pasensiya sa paglalabas ng kaniyang saloobin. [Iclick ang imahe para sa video.]

“Pasensiya na kayo. I swear to God, I’m sorry, I’m really sorry. Ang masakit na portion doon, ‘yung mag-isip ka kung paano magiging maayos yung mamamayan mo, kung paano mo maitawid sila. Pagod ka, hindi mo na nakikita ‘yung anak mo,” sabi niya.

Loading…