Larawan ng kauna-unahang “Mercury Drug” sa Maynila, naghatid ng nostalgia

  • Naghatid ng nostalgia ang lumang larawan ng kauna–unahang Mercury Drug sa bansa
  • Itinayo ito sa Kalye Bambang sa Maynila noong Marso 1, 1945
  • Ang may–ari nito ay si Mariano Que na namuhunan lamang sa halagang 100 piso

Kung pag–uusapan ang botika, parmaceutika, o bilihan ng gamot sa Pilipinas, isa sa mga pangunahing matatag na kompanya na maiisip ng mga tao ang Mercury Drug, bukod pa sa Watsons, Generika, The Generics Pharmacy, at Southstar.

Nagdala ng “nostalgia” ang larawan ng kauna–unahang Mercury Drug na naitayo sa Pilipinas noong 1945 sa Kalye Bambang sa Maynila, na inihatid ng netizen na si Roberto Bacos sa Facebook page na “Memories of Old Manila”.

Ayon sa kaniyang Facebook post, “The first Mercury drug store opened on March 1,1945 in Bambang St., Manila.”

Wow talaga, ‘di ba?

Imahe mula sa Facebook page na Memories of Old Manila

Nagkomento naman ang mga netizens hinggil dito. Bukod sa nostalgia, naalala rin ng ibang netizens ang isa sa mga sikat na detalye sa talambuhay ni Henry Sy, may–ari ng SM Supermalls at Watsons, na magpapaliwanag kung bakit walang Mercury Drug sa kahit saan mang SM branches.

Salaysay ng isa, “Sa pagkakaalam ko, diyan malapit gumagawa ng sapatos si Henry Sy then pinaalis yata siya ng owner noong wala siyang pambili ng gamot, o kaya dahil pinapaalis siya sa puwesto niya, then he said to himself na kapag mayaman na siya, walang MD sa mall na itatayo niya.”

“Itong tindahan na ito sa Bambang ang isang naging inspiration ni Henry Sy para magsumikap yumaman dahil hindi siya pinapuwesto sa tabi nito, kaya siya’y natutong magsumikap,” segunda naman ng isa.

Pahayag naman ng isa, “Malaki ang tulong ng Mercury Drug sa amin, kasi sa ngayon, hindi na lamang ito simpleng botika, kundi convenience store na rin. Lagi akong nakakakuha ng planner sa kanila kasi lagi akong bumibili.”

Ang Mercury Drug ay itinatag ng isang negosyante —  si Mariano Que. May nakatutuwang “success story” si Que sa kung paano niya nasimulan at napalago ang kaniyang Mercury Drug. Nagsimula umano siyang mamuhunan sa halagang 100 piso para sa isang bote ng Sulfiathiazole, isang uri ng gamot, para sa mga naapektuhan ng WWll

Dito na nagsimula ang pagbebenta niya ng gamot na nasa abot kayang halaga sa pamamagitan ng kariton. Nang makaipon, itinayo niya ang kauna–unahang Mercury Drug noong Marso 1, 1945 sa Kalye Bambang sa Maynila. At kumbaga, “the rest is history”.

Public Domain Image

Hindi lamang negosyante si Que kundi isa ring pilantropo. Itinatag niya ang Mercury Drug Foundation bilang paraan niya ng pagkakawanggawa sa mga nangangailangang kababayan dahil sa tagumpay ng kaniyang negosyo.

Hanggang sa kasalukuyan ay nananatili pa rin ang Mercury Drug, hindi lamang bilang isa sa mga pangunahing parmaceutika sa bansa, kundi bilang isa ring convenience store, sa loob ng 75 mabubungang taon.

Loading…