Let’s volt-in soon: Audition para sa Philippine adaptation ng Voltes V, nag-umpisa na

  • Umpisa na ng audition para sa cast ng Philippine remake ng Voltes V
  • Pinangunahan ito ng magiging direktor na si Mark Reyes
  • Nakatakda umanong ipalabas ang Voltes V bago matapos ang 2020 o sa 2021 pa

Sa pagpasok ng 2020, ginulat ng anunsiyo ng GMA Network na magkakaroon ng berisyon ang Pilipinas ng sikat na mecha anime na Voltes V. Agad na nag-trending sa social media ang teaser ng Voltes V Legacy at marami na ang nag-aabang kung sino-sino ang gaganap sa mga iconic na character ng anime.

Si Direk Mark Reyes ang magiging direktor nito na nakilala sa kanyang mga top rating telefantasya na Encantadia, Atlantika, at Mulawin. Hindi man madalas magbigay ng detalye ang GMA Network tungkol sa proyektong ito, masipag naman si Direk Mark na magbigay ng updates sa kanyang Instagram account.

Larawan mula sa Instagram account ni Mark Reyes

At sa isang post, inanunsiyo ng direktor na umaandar na ang auditions para sa roles sa Voltes V Legacy. Naganap ang auditions sa isang conference room ng GMA Network ngunit walang dagdag na impormasyon si Direk Mark tungkol dito.

Sa isang naunang panayam, sinabi ng direktor na wala pa raw official cast talaga ang remake kaya naman bukas sila sa mga bagong mukha at pangalan na sasakto sa katauhan ng karakter, katulad ng ginawa nila sa remake ng Encantadia noong 2016.

Kamakailan din ay nagpunta sa Japan si Direk Mark matapos ang kanyang proyektong Beautiful Justice. Bagaman hindi nilinaw ng direktor ang naging agenda niya sa paglipad sa Japan, maraming netizens ang nagsabi na may kinalaman daw ito sa remake ng iconic robot dahil galing ito sa isang animation company sa Japan na Toei.

Masugid ring sinasagot ni Direk Mark ang mga nagtatanong tungkol sa detalye ng show. Sinagot ni direk Mark na purong Pinoy ang gagawing animation at makikipagtulungan ang Kapuso network sa Ri0t Inc. Post Production. Gagabayan lamang daw sila ng Toei Animation sa magiging outcome.

Larawan mula sa GMA Network

Sinabi rin ng direktor na malaki ang posibilidad na mapanood ang Voltes V Legacy bago matapos ang 2020 o sa 2021 pa. May balita rin kasi na kinakailangan munang matapos ng GMA Network ang lahat ng episodes nito bago ito ilabas sa ere, tulad ng mga American series.

Makaaasa raw ang madla na kapag kompleto na ang cast ay magkakaroon din ito ng grand reveal katulad ng ginawa nila sa Encatadia 2016 na nagkaroon pa ng press conference para ipakilala ang buong cast.

Loading…