Let’s volt in! Teaser trailer ng Philippine adaptation ng ‘Voltes V,’ inilabas na ng GMA Network

  • Ipinasilip na ng GMA Network ang teaser trailer ng Philippine TV remake ng iconic anime na Voltes V
  • Sa isang minutong trailer, nag-feeling nostalgic ang mga netizens nang muling makita ang pamosong robot
  • Si Direk Mark Reyes ang magiging direktor ng remake na siyang nanguna sa Encantadia at Mulawin

Isa sa mga minahal na anime ng mga kabataan noon ay ang Voltes V. Patok na patok sa mga manonood ang adventures nina Steve, Mark, Big Bert, Jamie, at Little John sakay ng kani-kanilang volts na kapag nag-volt in ay magiging isang robot na mahusay sa pakikipaglaban na tinatawag na Voltes V.

Ang minahal na anime ng mga Pinoy at iba pang manonood sa mundo ay magkakaroon na ng Filipino version. Ipinasilip na ng GMA Network ang teaser trailer para sa pagdating ng pinakamalaking TV adaptation na gagawin sa bansa—ang Voltes V Legacy.

I-click ang larawan upang mapanood ang video ng GMA Network

Sa New Year Countdown show ng Kapuso network ay ipinalabas ang isang minutong patikim sa adaptation ng Voltes V. Makikita sa trailer ang iconic na Camp Big Falcon kung saan ang headquarters ng Voltes V team. Naipasilip din ang matinding katunggali nina Steve na si Prince Zardos ngunit nakatalikod ito at hindi pa ipinakita kung sino ang gaganap.

Siyempre, ipinakita rin ang klasiko at pinakamamahal na robot sa kasaysayan ng anime na si Voltes V. Sa video, makikita ang pagkikipagtunggali nito sa isa pang robot na gawa ng mga Boazania. Nostalgic din para sa mga manonood ang marinig ang closing theme ng Voltes V maging ang sikat na Voltes V song.

Ayon sa ulat ng mga Facebook pages na related sa GMA Network, ang magiging direktor daw ng adaptation ng Voltes V ay si Direk Mark Reyes. Bago nga ang premiere ng teaser trailer, nagkaroon din ng serye ng Instagram post ang direktor tungkol sa pamosong robot. Ayon pa sa direktor, limang taon daw ang hinintay ng network para maisakatuparan ang proyektong ito.

Marami naman ang natuwa dahil si direk Mark ang magiging direktor ng Voltes V Legacy. Siya kasi ang nanguna sa mga iconic Kapuso shows tulad ng Encantadia 2005 at 2016, Mulawin: The Movie, Kamandag, Atlantika, at ang MMFF entry na Resiklo.

Larawan mula sa video ng GMA Network

Marami namang netizen ang napamangha sa teaser na inilabas ng GMA. Nang lumabas kasi ang balita na magkakaroon ng remake ang Voltes V, marami ang nag-agam-agam na baka matulad lamang din ito sa Philippine version ng Thor na Victor Magtanggol. Ngunit sa napanood nila, marami ang humanga dahil sa magandang effects at CGI na ginamit ng production team. Hiling lamang ng fans, sana ay madala maging sa mismong serye ang magandang effects at hindi hanggang trailer lamang.

Sa kasalukuyan, wala pang opisyal na announcement kung sino-sino ang gaganap sa mga iconic roles ng nasabing remake. Wala paring anunsiyo kung kailan mapapanood ang Voltes V Legacy ngunit umaasa sila na magiging mahusay ang pagpili nila sa cast ng show na bahagi ng childhood ng marami sa atin.

Loading…