Lola, hinangaan ng mga netizens dahil sa sipag sa pagbabasa ng Bibilya kahit walang kuryente sa kanilang lugar

  • Trending ngayon sa social media ang larawan ng isang matanda na nagbabasa ng Bible
  • Humanga ang maraming netizens dahil kahit payak ang pamumuhay ng matanda ay hindi pa rin nito nalilimot ang magbasa ng Bibliya
  • Hinangaan din ng netizens ang kakayahan ni lola na magbasa kahit walang suot na salamin

Dahil nasa makabagong mundo na tayo, karaniwan na ang paggamit ng teknolohiya upang mapadali ang ating pamumuhay. Ang pagsasaliksik na noon ay pahirapan sa mga akltan ay nakukuha na lamang sa ilang click ngayon sa Internet. Mas madali na ring mag-proseso ng mga larawan dahil agad-agad na itong nakikita pagkakuha.

Ngunit sa panahon ng teknolohiya, mayroon pa ring mga pagkakataong masasabi mong hindi naman lahat ay nagagawang moderno, kabilang ang pananalig sa Maykapal. Ito rin ang dahilan kung bakit trending ang larawan ng isang matanda na sa kabila ng kanyang edad at simpleng pamumuhay ay nagagawa pa ring magbasa ng Bibliya.

Larawan mula sa Facebook repost ng Issues International

Viral sa social media ang larawang ni-repost ng Facebook page na Issues International tungkol sa isang matandang babae na kahit mayroong payak na buhay sa isang lalawigang hindi raw naaabot ng suplay ng kuryente, ay hindi pa rin nakalilimot na magbasa ng Salita ng Diyos.

Sa tatlong larawan ng matanda ay makikita ang lola na wala mang salamin at nakatayo man sa labas ng kanilang bahay upang maaninag ang mga letra ay matiyagang binabasa ang kanyang Bibilya. Agad na kumalat sa Facebook ang larawan ng matanda at umani ng halos 6,000 reactions, 500 comments, at 10,000 shares.

Maraming netizens ang humanga sa pananampalataya ng matanda. Ayon sa iba, kahit na raw kapos si lola at kanyang pamilya sa materyal na bagay at sa isang barong-barong lamang nakatira, ay mayaman naman daw ito sa pagmamahal at sa Salita ng Diyos.

“God bless po lola. Madilim man po sa lupa pero sa langit po ay maliwanag at kayo po ang tunay na mayaman at pinagpala,” sabi ng isang netizen na namangha sa pananalig ng matanda sa kabila ng kalagayan nito.

Larawan mula sa Facebook repost ng Issues International

May iba naman na nakapansin sa linaw ng mata ni lola. Ayon sa ilang netizens, hindi pa man daw sila senior citizens ay kailangan na nilang magsuot ng salamin para lamang makabasa nang maayos habang si lola ay walang suot kahit may edad na.

“Wow. Ang linaw pa ng mata niya, samantalang ako, di ko na mabasa yan, may reading glass na ako. Okay yan, pag nagbabasa ng Bible ay pagpapalain ni Lord,” pahayag ng isang social media user.

Loading…