Mahal niya si ‘Buddy’: Aso nakasuot ng helmet habang angkas ng kanyang amo

  • Viral sa social media ang video ng isang asong nakasuot ng helmet
  • Angkas sa motor ang nasabing aso na animo’y isang tao na talagang nakakapit pa sa balikat ng kanyang amo
  • Iba-iba naman ang saloobin ng mga netizens tungkol sa pagsakay ng aso sa motorsiklo

Maraming beses na tayong napamangha sa kuwento tungkol sa mga alagang aso na ibinabahagi ng mga netizens sa social media. Mayroong mga asong tila nagliligawan sa isang tindahan, may asong parang nanghihingi ng pagkain sa kumakain sa isang karinderya, at may asong itinutulak ang wheelchair ng kanyang amo.

Ngayon naman, trending sa social media ang isang aso na tila marunong sumunod sa batas pantrapiko. Nakuhanan kasi ng video ng isang netizen ang asong tahimik na nakaangkas sa kanyang amo sa motor habang nakasuot ng helmet.

I-click ang larawan upang mapanood ang video ni Pramod Madhav

Ibinahagi ni Pramod Madhav sa kanyang Twitter account ang video ng isang asong nakakapit sa amo niya habang sakay ng isang motorsiklo. Maliban sa maiging pagkapit ng aso sa balikat ng kanyang amo, kapansin-pansin na nakasuot din ito ng helmet na animo’y isang totoong tao.

Hindi kuha sa Pilipinas ang video. Ayon sa uploader, kuha ito mula sa Tamil Nadu, isa sa mga state sa India. Gayunman, patok na rin sa mga Pilipino at mga netizens mula sa iba’t ibang panig ng mundo ang video ng aso at kanyang amo.

Habang isinusulat ang balitang ito, umabot na sa 5,000 likes at 1,600 retweets. Mayroon na ring higit 65,000 views ang 17 minutong video. Umani ng iba’t ibang reaksyon ang nasabing video. Marami ang namangha sa kakayahan ng aso na sumakay sa motor. Mayroon ding mga netizen, kabilang ang uploader, na nagsabing hinahangaan nila ang amo dahil sa mabuting pag-aalaga nito sa aso at nilalagyan pa ng helmet tuwing iaangkas sa motor.

“Dog wearing helmet for safety in Tamil Nadu… Really admiring the owner’s care,” sabi ni Pramod sa kanyang viral tweet. Marami din ang nagsasabi na daig pa raw ng aso ang mga tao dahil madalas, sumasakay sa motor ang mga ito na walang suot na proteksyon.

Larawan mula sa Twitter video ni Pramod Madhav

Gayunman, marami ding netizens ang pinupuna ang ginawang ito ng amo sa kanyang alaga. Ayon sa kanila, hindi raw ito ligtas para sa alaga na anumang oras ay maaaring makabitaw sa pagkakaangkas, kahit pa raw nakasuot ito ng helmet.

“I think the dog is not supposed to sit in bikes. They are not physically equipped to establish stability and grip,” sabi ng isang concerned netizen.

Loading…