Maiba naman! “Kapag hindi marunong maningil, huwag magpautang”

  • Kinaaliwan ng mga netizens ang ibinahaging video ng komedyanteng si Donna Cariaga
  • Kuwento ito ng kunwari ay isang umutang na nagalit sa kaniyang inutangan dahil hindi pa siya sinisingil
  • Napa–”sana all” na lamang ang mga netizens sa video na kanilang nasaksihan

Ang akto ng pag–utang ay paghihiram ng pera sa isang kaibigan, kakilala, o taong ginagawa itong negosyo upang gastusin o gugulin sa isang mahalagang bagay.

Sa madalas na pagkakataon, maraming magkakaibigan o magkakakilala ang nagkakagalit dahil dito lalo na kapag dumating na ang sandali ng singilan. Sabi nga, noong nangailangan ay madaling makiusap, noong singilan na’y hindi na mahagilap.

Kaya naman, kinaaliwan ng mga netizens ang nakatutuwang video ng komedyanteng si Donna Cariaga hinggil sa utang.

Ayon sa kaniyang Facebook post, para maiba naman daw, may payo siya sa mga tao: “Kapag hindi marunong maningil, huwag magpautang.”

Imahe mula sa Facebook account ni Donna Cariaga

Makikitang eksena sa ginawa niyang video na pinuntahan ni Donna ang kaniyang inutangan sa bahay nito upang magbayad ng kaniyang utang. Si Donna na siyang nangutang pa ang nagalit sa kaniyang kaibigang nagpautang sa kaniya dahil hindi pa siya sinisingil; kabaligtaran sa tipikal na nangyayari sa realidad.

Napa–”sana all” na lamang ang mga netizens sa video na kanilang nasaksihan. Ayon sa isa,”Sana ganito ‘yung mga mangungutang sa akin para makaulit pa at hindi ako tinataguan!”

“Parang imposible namang may umutang na siya pa ang galit kapag hindi siningil ng nagpautang. Wala pa akong nakitang ganiyan. Pero malay natin, hindi ba?” turan naman ng isa.

“Naku, sana nga ganiyan ang mga taong may lakas ng loob na humiram ng pera sa kaibigan, tapos kapag singilan na, maraming alibi na lumalabas para lang hindi makapagbayad,” sabi naman ng isa.

“Sana ganiyan lahat ng umuutang, sila pa talaga ang gumagawa ng way para makabayad lang,” komento naman ng isa.

I–click ang larawan upang mapanood ang buong video

Tandaan natin na ang pagbabayad ng utang ay responsibilidad ng umutang sa kaniyang inutangan.

Paano nga ba maiwasan ang utang? Ayon sa mga financial expert, huwag ugaliin ang pag–utang lalo na’t hindi naman ito kailangan. Matutong magtipid at mag–impok ng pera mula sa pinagkakakitaan upang may magamit sa panahon ng pangangailangan.

Samantala, si Donna Cariaga ay grand winner ng segment na “Funny One” Season 2 sa noontime show na “It’s Showtime” na naging hit dahil sa kaniyang monologo patungkol kay “James”.

Source :

Facebook

Loading…