Malacañang wala pang plano sa ngayon na ilikas ang mga Pinoy mula sa Wuhan, China

  • Wala pang planong ilikas ang mga Pinoy sa Wuhan
  • Sinabi ni Presidential Spokesperson Sal Panelo na wala pang patakaran si Pangulong Duterte hinggil sa evacuation ng mga Pinoy mula sa China
  • Ang nCov ay kumalat na sa 12 bansa kabilang ang Thailand, Japan, South Korea, Taiwan, Vietnam, Singapore, Nepal, France, Australia, Malaysia, Canada, at US

Habang nagpaplano na ang ilang bansa kabilang ang US, France, Italy, Japan at Australia na ilikas ang kanilang mga mamamayan mula sa Wuhan, China – ang epicenter ng lumalaganap na misteryosong sakit dala ng nCoV – ang Pilipinas ay wala pang plano na ilikas ang mga Pilipinong naroroon.

Screenshot mula sa GMA video

“Wala tayong narinig na mayroong ganoong patakaran si Presidente,” pahayag ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo sa isang radio interview noong Linggo,ika-26 ng Enero.

Sa huling tala ng China, umabot na sa mahigit 2,700 ang bilang nga mga taong naapektuhan ng nCoV at nasa walumpu sa kanila ang hindi nakaligtas sa nasabing sakit.

Ayon kay Panelo, hindi mapipilit na umuwi ang mga Pinoy na nasa apektadong lugar sa China dahil naroon ang kanilang hanapbuhay.

“’Yung Filipino na nasa ibang bansa, they are working there. If they feel that they are safe, hindi mo mapapaalis ‘yun don, kasi livelihood nila ‘yun,” anang tagapagsalita ng Pangulo.

Paliwanag niya, mayroon namang mga precautionary measures na ipinatutupad ang mga awtoridad ng China upang makontrol ang pagkalat ng nCoV.

Imahe mula sa Facebook account ni Shaukeen Canas

“Siyempre, ‘yung lugar na pinagtatrabahuan nila, mayroon ding ginagawa ang mga authority doon para hindi kumalat,” wika ni Panelo. Dapat lang umanong sundin ng mga Pinoy ang mga precautionary measures na ipinatutupad ng China.

“Ang payo natin doon eh kung ano ‘yung mga precaution na ibinibigay ng mga local authorities, gagawin nila para hindi sila magkasakit,” aniya.

Wala pa namang naitatala na Pilipinong naapektuhan ng nCoV, ayon kay Philippine Ambassador to China na si Jose Santiago Sta. Romana.

“There’s no report of any Filipino in Wuhan infected by the novel coronavirus thus far. But they are advised to stay indoors and avoid contact with an infected person,” anang embahador.

Ang nCov ay pinaniniwalaang nagsimula sa isang palengke sa Wuhan kung saan katabi ng mga ibinebentang exotic animals ang mga tindahan ng mga meat products. Sa ngayon ay sarado na ang nasabing palengke.

Imahe mula sa Yakanak

Kumalat na ang nCoV sa 12 bansa kabilang ang Thailand, Japan, South Korea, Taiwan, Vietnam, Singapore, Nepal, France, Australia, Malaysia, Canada, at US kung saan may limang kumpirmadong kaso na nito.

Basahin sa website ng CDC ang ilang gabay upang maiwasan ang pagkalat ng nCoV.

Screenshot mula sa video ng DW
Source :

GMA Network, PNA

Loading…