Manila Water, nagpadala na ng mga tangke ng tubig sa mga evacuation sites sa Batangas

  • Tubig ang isa sa mga kailangan ngayon ng mga residenteng apektado ng pag-alburoto ng Bulkang Taal
  • Dahil dito, nagpadala na ng mga tangke ng tubig ang Manila Water Company sa mga evacuation sites
  • Bukod pa rito ang malinis na tubig na maaaring inumin ng mga biktima ng kalamidad na ito

Tubig ang isa sa mga pangangailangan ngayon ng mga residenteng pinakaapektado ng pagsabog ng Bulkang Taal.

Sa kabutihang-palad, nagpadala na ng 30 water tankers ang Manila Water Company sa iba’t ibang lugar sa Southern Luzon para makatulong sa mga evacuees.

Imahe mula sa Wikimedia

Ayon sa isang press release ng Manila Water, sa tulong ng Laguna Water ay nakapagbahagi na umano sila ng mga tangke ng tubig sa tatlong bayan sa Batangas.

Apat na tangke ng tubig ang ipinadala na nila sa Tanauan City, partikular sa Poblacion Balele West Covered Court, Poblacion Gloria, at Tanuan City Gym. Dalawa naman sa PUP Gymnasium sa Sto. Tomas at anim na tangke sa Bolbok Provincial Sports Complex sa Batangas City.

May mga humihiling din sa Manila Water na magpadala ng tangke ng tubig sa San Luis Municipal Hall, Taal Municiapl Hall sa Batangas, at sa bayan ng Alfonso sa Cavite.

Ang iba pang tangke ng tubig na naka-standby ay ipadadala sa iba pang evacuation sites, ayon na rin sa hiling ng mga lokal na pamahalaan.

Kapag naubos na umano ang tubig sa mga tangke, nakahanda naman ang Laguna Water para i-refill ang mga ito. May ilang tauhan din sila na tutulong sa pamamahagi ng tubig.

Samantala, magpapadala rin ang Manila Water Foundation ng 2,000 units ng tig-5 galong boteng tubig na maaaring inumin para sa iba’t ibang evacuation sites. Katuwang nila ang Batangas Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office sa pamamahagi ng mga ito.

Imahe mula sa Pixabay

Samantala, sa isang Facebook advisory ay tiniyak ng Manila Water na ligtas pa rin ang kanilang tubig para inumin ng mga konsyumer sa Metro Manila at Rizal Province. Ito ay sa kabila ng patuloy na pagbuga ng abo ng Bulkang Taal.

Mainam din umano na takpan nang maayos ang mga lalagyanan ng tubig upang maiwasan ang kontaminasyong dulot ng abo.

Loading…