Matapos muling lumabas ang isang kontrobersyal na video, NHCP nagpaalalang respetuhin ang Lupang Hinirang

Imahe mula sa Facebook ng NHCP at Instagram ni Bretman Rock
  • Pinaalala ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) na dapat respetuhin ang Pambansang Awit ng Pilipinas
  • Ito ay matapos muling lumabas ang lumang video ng influencer na si Bretman Rock na nagtu-twerk habang umaawit ng Lupang Hinirang
  • Sinabi ng NHCP na ang ganitong mga paglabag ay maaaring mapatawan ng multa mula P5,000 hanggang P20,000 at pagkakakul0ng nang hindi hihigit sa isang taon

Nagpaalala ang National Historical Commission of the Philippines (NHCP) ukol sa pagrespeto sa Pambansang Awit ng Pilipinas matapos na muling lumabas ang video ng isang Internet sensation na nagtu-twerk habang inaawit ang Lupang Hinirang.

Imahe mula sa Facebook | NHCP

Bagama’t hindi tinukoy ang YouTuber na si Bretman Rock, sinabi ng NHCP na may mga nagpadala sa kanila ng mga reklamo ukol sa isang video kung saan makikita ang isang lalaki na sumasayaw habang pinatutugtog ang Lupang Hinirang.

Ipinaalala nila na ipinagbabawal ito sa ilalim ng Section 43 ng Implementing Rules and Regulations ng Republic Act No. 8491 o ang Flag and Heraldic Code of the Philippines.

“When the National Anthem is played…as sign of respect, all persons shall stand at attention…shall execute a salute by placing their right palms over their chests…[and that] the National Anthem shall not be played or sung for mere recreation, amusement, or entertainment purposes,” sabi nila. “Dancing to the National Anthem as shown in the video abovementioned, therefore, constitutes a violation of the Flag law.”

Maaaring pagmultahin ng P5,000 hanggang P20,000 at makul0ng nang hindi hihigit sa isang taon ang sinumang lalabag sa batas na ito.

Imahe mula sa Instagram | Bretman Rock

Samantala, nilinaw ng ilang netizens na luma na ang video at humingi na raw ng paumanhin si Bretman sa ipinost niyang iyon sa IG story. Sabi ng Twitter user na si andreng, tatlong buwan na raw ang lumipas nang ipost ni Bretman ang video. Agad naman daw niya itong inalis at nag-sorry.

Nag-post din siya ng conversation nila ni Bretman. Sinabihan niya ito na ilegal ang ginawa ng influencer na pagsasayaw habang pinatutugtog ang Pambansang Awit. Makikita na nag-reply si Bretman at sinabing “Yes I realized thank you for letting me know. It has since been deleted.”

Kamakailan lamang ay natanggap ng Hawaii-based na Pinoy na si Bretman ang Beauty Influencer of 2019 mula sa E! People’s Choice Award sa Los Angeles.

Loading…