Matulunging bata, may munting donasyon para sa mga Taal evacuees

  • Ang pag-aalburoto ng bulkang Taal ay nagsilbing daan upang patunayan ang pagmamalasakit ng mga Pilipino
  • Walang bata o matanda, mayaman o mahirap pagdating sa pagtulong sa kapwa
  • Simpleng paraan man ng pagtulong ay may malaki pa ring epekto sa mga nangangailangan nito

Sa oras ng kagipitan, laging mayroong mga taong nagmamalasakit at handang magbigay ng tulong gaano man ito kaliit o kalaki.

Imahe mula sa Facebook account ni Arianne Etorma Cejane

Nang magsimulang mag-alburoto ang bulkang Taal, bumuhos ang mga donasyon at rescue operations para sa mga kababayan nating Pilipino na nakatira malapit sa naturang bulkan at mga kalapit bayan na apektado ng ashfall.

Nariyan ang mga government offices na nagpadala ng mga rescue teams upang agarang mailikas ang bawat pamilya at mailipat sa mga ligtas na lugar gaya ng mga itinalagang evacuation centers.

Hindi naman nagpahuli ang mga NGOs, private companies, at public personalities sa pagpapadala ng mga relief goods at iba pang pangangailangan ng mga evacuees.

May mga mag-anak at magkakaibigan na nagtulong-tulong din at nagsagawa ng mga emergency relief drive, at ilan sa kanila ay pumunta pa sa mismong evacuation centers upang iabot nang personal ang kanilang mga donasyon.

Ngunit maliban sa mga nabanggit na nagmamalasakit sa ating mga kababayan, isang bata ang pumukaw ng pansin at nagpataba sapuso ng marami. Siya si James Paul P. Garcia, isang Grade 7 student mula sa Buenavista, Quezon Province.

Ayon sa Facebook post ni Arianne Etorma Cejane, lumapit sa kanya si John Paul habang sila ay abalang nangangalap ng mga donasyon para sa mga evacuees ng nag-aalburotong Taal Volcano. Nagtaka raw siya kung ano iyong kinukuha ni John Paul mula sa bitbit na bag. Nakita niyang may inilabas itong supot na naglalaman ng mga donasyon.

Ayon sa caption ni Arianne, “Tinanong ko siya kung sa kanya lang galing ‘yun, oo daw. Nakakataba lang ng puso na madami talaga gustong makatulong kahit papaano at kahit sa anong paraan.”

Imahe mula sa Facebook account ni Arianne Etorma Cejane

Sa sumunod na post ni Arianne, nagulat siya sa dami ng na-inspire mula sa simpleng paraan ng pagtulong ni John Paul. Ibinahagi rin niya na may nagpadala ng message sa kanya kung saan nais niyang bigyan ng munting regalo si John Paul sa pagiging mabait at matulunging bata.

Paglilinaw ni Arianne, bukod kay John Paul ay marami pang ibang estudyante ang nagbigay ng kanilang donasyon na kanya ring pinasalamatan. Dagdag niya, “Sana ay marami pang tumulad sa kanila na maging matulungin sa mga nangangailangan.”

Loading…