May bago na bang suki? Hunky meat vendor sa Pasig, kinakiligan ng netizens

  • Viral sa social media ang mga larawan ng poging meat vendor na nagtitinda sa isang palengke sa Pasig City
  • Kinilala ang binata na si Albert Bordeos na kabilang sa basketball team ng University of Santo Tomas
  • Higit pa sa kaniyang pisikal na pangangatawan, mas maraming humanga kay Albert dahil sa kaniyang sipag sa pagtitinda at pagtulong sa kanilang family business

Kinakiligan sa social media ang mga larawan ng poging meat vendor na makikita sa isang palengke sa Pasig City.

Imahe mula sa Bob Ong Quotes | Facebook page

Sa ibinahaging post ng Facebook page na Bob Ong Quotes noong December 31, makikita ang mga litrato ng binata habang ito ay masipag na nagtitinda ng karneng baboy sa kanilang puwesto sa loob ng pamilihan.

“Namalengke ako sa Pasig Market! Shuta sino itong Meat Vendor na napaka pogi sa Pasig Market? Siya na ata ang 2020 ko. #MeatVendorSearch sa pasig market yata ako araw araw,” ayon sa post.

Agad naman itong nag-viral sa social media dahil sa dami ng nakapansin sa guwapong mukha at magandang pangangatawan ng binata. Nagbahagi rin muli ng mga bagong larawan ng lalaki ang nasabing page sa Facebook noong January 4.

Kinilala ang lalaki na si Albert Bordeos na kabilang pala sa basketball team ng University of Santo Tomas.

Aminado si Albert na nagulat siya sa dami ng atensiyon na kaniyang natanggap matapos siyang makunan ng mga larawan habang nagtitinda sa palengke.

I-click ang imahe para makita ang orihinal na post

Sa ulat ng Spin.ph, sinabi ni Albert na hindi iyon ang unang beses na tumulong siya sa kanilang family business. Proud din umano ito sa kanilang pagtitinda sa palengke lalo pa’t doon kinukuha ng kaniyang mga magulang ang kanilang panggastos sa araw-araw at maging sa pag-aaral nilang magkakapatid.

“Wala po dapat ikahiya talaga doon kasi po ‘yun po talaga ‘yung source of income ng parents ko. Nagpupuyat po sila sa palengke gabi-gabi para masuportahan po kaming magkakapatid,” ani Albert.

Imahe mula sa Bob Ong Quotes | Facebook page

“Kaya po ‘pag wala akong training sa UST at offseason po, umuuwi po talaga ako sa Pasig para makatulong sa kanila,” dagdag ng binata.

Dahil sa kaniyang sipag at kagustuhang makatulong sa magulang, mas lalo tuloy dumami ang mga tagahanga ng binata. Hindi na rin nakapagtataka kung bakit sa susunod ay mas dadami ang mga suki nila sa palengke.

Loading…