Mayor Isko Moreno, nagsimula ng #1LitrongTubigChallenge; hinamon si Vice Ganda

Imahe mula sa Facebook ni Isko Moreno at Instagram ni Vice Ganda
  • Nagsimula ng panibagong challenge sa social media si Manila Mayor Isko Moreno
  • Tinawag niya itong #1LitrongTubigChallenge na nagpapakita kung anu-ano ang puwedeng paggamitan ng isang litrong tubig
  • Hinamon niya rin si Vice Ganda na gawin ang challenge na ito

Hindi na bago ang mga challenge sa social media. Karamihan dito ay mga dance challenge at iba pang ikinatutuwa ng netizens. Ngunit si Manila Mayor Isko Moreno, isang makabuluhang challenge ang sinimulan.

Imahe mula sa video ni Mayor Isko Moreno Domagoso via Facebook

Sa kaniyang opisyal na Facebook page, nag-post si Moreno ng 25-second na video na tinawag niyang #1LitrongTubigChallenge. Makikita rito kung gaano karami ang magagawa ni Mayor sa isang litrong tubig. Una ay nagsipilyo siya. Pagkatapos ay nagsaing siya gamit ang natitirang tubig. Ang pinanghugas naman ng bigas ang ginamit niya sa pagdidilig ng mga halaman.

“Hanggang saan aabot ang isang litro mo? Kaya kong pagkasyahin ang isang litrong tubig sa pagsisipilyo, pagsasaing, at pagdidilig ng halaman,” saad niya sa caption.

Sa pagtatapos ng video ay hinamon niya si Vice Ganda na gawin din ang challenge.

Maging ang netizens ay hinimok niyang gawin ito. “Kakasa ba kayo? Ipakita ang inyong iba’t ibang paraan sa wasto at epektibong paggamit ng tubig at ibahagi ito sa lahat gamit ang #1LitrongTubigChallenge,” dagdag pa niya.

I-click ang imahe para mapanood ang video via Facebook

Maraming netizens ang natuwa sa ideyang ito ni Moreno. Sabi ni V. Peralta, “‘Yang simpleng bagay, kung gagawin ng lahat malaking bagay na. Salute to you. Please turuan natin ang  henerasyon ngayon.”

Ang isang netizen naman, inaabangan kung kakasa si Vice Ganda sa hamon ni Yorme. “Waiting for Vice Ganda to accept the challenge. Paano kaya ang gagawin niya sa isang litrong tubig at sino kaya ang next na icha-challenge niya?” komento ni R. Shimazaki.

Matatandaang nagpayo noon si National Water Resources Board (NWRB) executive director Sevillo David na magtipid sa paggamit ng hanggang sa isang litro ng tubig kada araw ang mga residente ng Metro Manila. Ito raw ay upang makatulong para hindi agad bumaba ang supply ng tubig mula sa Angat Dam.

Tag-init noong nakaraang taon nang maramdaman ang epekto ng mababang lebel ng tubig sa Angat Dam dahil nagkaroon ng shortage ang milyon-milyong mga residente sa Luzon.

Ikaw, anong kaya mong gawin sa isang litro ng tubig? Kakasa ka ba sa challenge na ito?

Loading…