Mayor Vico Sotto sa mga gumagastos daw ng milyon para dungisan ang ‘Bagong Pasig:’ “Sige lang para mabawasan ang yaman”

  • Sinagot ni Mayor Vico Sotto ang mga alegasyong overpriced raw ang mga kalendaryong ipinagawa niya
  • Iginiit ng alkalde na mas mura ang nagastos nila ng halos P10 milyon dahil patas daw ang ginawang bidding
  • Sinabi rin ni Sotto na hahayaan niya lamang ang mga kalabang gumastos para siraan siya upang mabawasan naman daw ang yaman ng mga ito

Pinatunayan ni Mayor Vico Sotto na hindi totoo ang mga alegasyon sa kanya ng isang social media troll patungkol sa mga ginastos niya sa pagpapa-imprenta ng kalendaryo na ipinamagay sa mga Pasigueño sa pagpasok ng 2020.

Mayroon kasing lumabas na Facebook post na inaakusahan si Sotto na gumastos daw ito ng P36.7 milyon para sa pagpapagawa ng mga nasabing kalendaryo. Depensa ng 30 anyos na alkalde, P4.9 milyon lamang ang nagastos nila para sa nasabing proyekto, kasama pa ang ibang inimprentang materyales ng kanilang tanggapan.

Larawan mula sa Facebook post ni Vico Sotto

Nag-post din si Sotto sa kanyang official Facebook page ng isang larawan na nagpapatunay ng halaga ng mga ginastos niya para sa proyekto ng Pasig City Hall. Nakapag-imprenta raw sila ng 400,000 na kalendaryo, 315 reams ng short at long bond papers, at 560 packs ng calling card sa halagang P4.9 milyon lamang.

Iginiit din ni Sotto na ang pinapayagang budget ng City Hall para sa ganitong proyekto ay karaniwang nasa P14.5 milyon ngunit nakahanap daw sila ng mababang halaga lamang sa mga nag-bid kaya naman nakatipid raw ang tanggapan ni Sotto ng P9.7 milyon.

Pagmamalaki ng batang Mayor ng Pasig, patunay lamang daw ang maayos na presyuhan sa mga ganitong proyekto na dumaraan sa public bidding ang kanilang mga programa at hindi nadaraan sa palakasan lamang at walang patong at korupsyong nagaganap.

Sinabi rin ni Sotto sa kanyang post na batid niyang paninira lamang ng kanyang mga katunggali sa politika ang kumalat na post. Alam din umano niya na gumagastos ang mga ito ng limpak-limpak na salapi para lamang madungisan ang ‘Bagong Pasig.’ Pero sambit ni Sotto, hahayaan niya lamang ang mga ito upang mabawasan ang kanilang yaman.

“Sa mga gumagastos pa rin ng milyon-milyon para lang siraan ang bagong administrasyon ng Pasig… sige lang, para mabawasan naman ang yaman n’yo,” pahayag ni Sotto sa kanyang post.

Larawan mula sa Facebook post ni Vico Sotto

Dagdag pa ng alkalde, nauunawaan niya ang mga bayarang trolls sa kanilang ginagawa dahil alam niyang kailangan lang din ng mga ito ng trabaho. Gayunman, nagpaalala siya na hindi tama ang pagpapakalat ng kasinungalingan at maging kakontra ng pagbabago sa kanilang lungsod.

“Sa mga bayad nilang trolls… naiintidihan ko kayo, baka kailangan niyo lang ng trabaho… pero sana mapag-isipan niyo nang mabuti: gusto niyo ba talagang maging instrumento ng kasinungalingang nakakasama sa ating lipunan?” pagpapatuloy ni Sotto.

Loading…