Mga alaalang nakadikit sa amorsekong kumakapit

  • Hindi kumpleto ang iyong kabataan kung hindi ka nadikitan ng “amorseko”
  • Ang amorseko, mursikos o tinloy, sa wikang Ingles ay crabgrass at sa wikang Espanyol naman ay amorseco
  • Ito ay isang uri ng mga halamang damo na tinatawag namang digitaria na mula sa pamilyang poaceae na mahirap alisin ang mga bungang-sungay o mga buto nito kapag kumapit sa mga damit 

Hindi kompleto ang pagkabata ng mga batang 70’s, 80’s at 90’s kung hindi nila nasubukan ang paglalaro sa talahiban. Lagi itong ginagawa noong mga panahong hindi pa uso ang mga online games at gadgets, at hindi pa masyadong nakasusunog sa balat ang init na hatid ni Haring Araw.

Isa sa mga naiiwang ebidensya na ang isang bata ay naglaro sa talahiban o kasukalan ay ang mga nakadikit na tila bungang bilog na mabalahibo, sa damit o shorts.

Ito ay tinatawag na amorseko. Nanumbalik sa mga “nakadikit” na alaala ng nakaraan sa isipan ng mga netizens ang ibinahaging Facebook post ng isang nagngangalang “Nesio” na nagpapakita nito. Tanong niya, “Kaway–kaway sa nabiktima nito noong kabataan ninyo”.

Imahe mula sa Facebook page na Memories of Old Manila

Ikinatuwa naman ito ng maraming netizens. Hindi nila napigilang magkomento at magsalaysay ng kanilang anekdota o kawili–wiling pangyayari hinggil dito. Salaysay ng isa, “Dahil madalas kami sa bukid noon, binabala namin sa sumpit iyan. Sa hapon, pagkauwi namin, napapalo kami ng aming inay dahil ibig sabihin, naglaro na naman kami sa kabukiran.”

“Iniyakan ko iyan noong maraming dumikit sa pantalon ko noong nagbakasyon kami kina Mamang sa Negros. Hay, those were the days na pawang good memories ang hatid. Simple lamang ang pamumuhay at kasiyahan ng kabataan,” turan naman ng isa.

Pagbabahagi naman ng isa, “Sa amin po meron niyan noong kabataan ko, madaan ka lang sa madawag na pilapil kapag lumabas ka na at lumagpas, puro ganyan na ang damit mo.”

Ang amorseko, mursikos o tinloy, na sa wikang Ingles ay crabgrass at sa wikang Espanyol naman ay amorseco, ay isang uri ng mga halamang damong tinatawag namang digitaria na mula sa pamilyang poaceae. Mahirap alisin ang mga bungang-sungay o mga buto nito kapag kumapit sa mga damit. Kadalasan itong makikita sa mga kadawagan o kabukiran.

Public Domain Image

Bukod sa ginagawang bala, ginagamit din ito ng mga bata noon sa pagkukulitan. Magbabatuhan sila ng amorseko. Minsan ay inilalagay din ito sa leeg at buhok na talaga namang mahirap alisin at nagdudulot ng kakaibang kati sa katawan. Walang magagawa ang sinumang “napagtripan” kundi pagpagin at matiyagang alisin ito.

Loading…