Mga bakwit sa Lipa, nabigyan ng pansamantalang hanapbuhay

Imahe mula sa video ng ABS-CBN News via YouTube
  • Nabigyan ng pansamantalang hanapbuhay ang ilang mga bakwit na namamalagi sa isang evacuation center sa Lipa, Batangas
  • Bahagi raw ito ng cash for work program ng local government unit kung saan makatatanggap sila ng P1,500 sa paggawa ng mga basket
  • Ikinatuwa naman ito ng mga bakwit dahil nabigyan sila ng pagkakataon upang makapaghanapbuhay

Kahit marami pa rin ang dumadating na tulong mula sa iba’t ibang parte ng bansa para sa mga bakwit ay napagkalooban na ng pansamantalang kabuhayan ang ilang mga residente mula sa Brgy. Bulaklakan sa Lipa, Batangas na nananatili sa mga evacuation center.

Imahe mula sa video ng ABS-CBN News via YouTube

Ayon sa ABS-CBN News, bahagi ito ng programa ng local government unit ng Lipa na naglalayong mabigyan ng alternatibong kabuhayan ang mga bakwit. Mahigit dalawang linggo na kasi simula nang pumut0k ang Bulkang Taal kaya naman maging ang kanilang mga kabuhayan ay naapektuhan din.

Paggawa ng basket ang pinagkakaabalahan ni Mang Pepito kapalit ng P1,500 na ayuda. “Magaling at may ibinigay si mayor na project para may pagkakitaan kami,” sabi niya.

Imahe mula sa video ng ABS-CBN News via YouTube

Ayon kay Cherry Ann Garing, camp manager ng isang evacuation center, bahagi ito ng cash for work program.

“Ito po ay tulong sa kanila habang sila ay naka-stay rito sa evacuation center para po pag-uwi nila sa kanilang mga bahay ay meron silang magiging source of income para makasuporta sa kanilang pang araw-araw,” sabi ni Garing.

May ilang mga residente nang nakabalik sa kanilang mga tahanan matapos ibaba ng Phivolcs sa Alert Level 3 ang Bulkang Taal ngunit marami pa rin ang nananatili sa mga evacuation center. Enero 12 nang maganap ang phreatic erupti0n sa Bulkang Taal na gumulat sa mga residente at turista na naroon.

Mahigit isang linggo ring nakataas sa Alert Level 4 ang bulkan na bagama’t nagdulot ng pangamba sa mga residente ay hindi nakapigil sa mga mamamayang Pilipino na magpaabot ng kani-kaniyang tulong.

Source :

ABS-CBN News

Loading…