Mga basura ilang araw hindi nakolekta sa Pasig City, contractor pinagpapaliwanag ni Mayor Vico Sotto

  • Mga residente ng Pasig City inirereklamo ang mga basurang ilang araw nang hindi nakokolekta
  • Sinabi ni Mayor Vico Sotto na hihingan niya ng paliwanag ang contractor for garbage collection
  • Noong ika-18 hanggang ika-30 ng Disyembre ay inisyuhan ng Pasig City ng 50 Notice of Violations Ticket ang contractor sa paghahakot ng mga basura

Pagpapaliwanagin ni Pasig City Mayor Vico Sotto ang contractor for garbage collection ng lungsod kasunod ng mga reklamo ng mga Pasigueños na  nagkalat sa mga kalsada ang mga basurang ilang araw nang hindi nakokolekta.

Imahe mula sa Facebook account ni Mayor Vico Sotto

Sa post ng alkalde sa kanyang social media account, sinabi ni Mayor Vico na noong ika-18 hanggang ika-30 ng Disyembre ay inisyuhan na nila ng 50 Notice of Violations Ticket na may katapat na multa ang contractor sa paghahakot ng mga basura sa Pasig City.

“From December 18 to today (Dec 30) we have issued over 50 NOTICE OF VIOLATION TICKETS with corresponding FINES to our Contractor for Garbage Collection,” ani Mayor Vico Sotto.

Reklamo ng mga residente, nagkakasakit na raw ang mga bata dahil sa masangsang na amoy ng mga basura sa paligid. Ilan pa sa kanila ang nagbahagi ng mga larawan ng mga hindi nakokolektang basura.

Ang ikinasasama pa ng loob ng mga residente ay ang mga basurero na nagbahay-bahay pa para makapanghingi ng pamasko, subalit hindi naman naghakot ng mga basura.

“Mas inuuna pa nga nila ang paghingi ng pamasko kesa mag asikaso ng basura. Tuwing kukuha sila ng basura hingi nang hingi sila ng pamasko. Nagbabahay-bahay pa sila,” reklamo ng isang residente.

Imahe mula sa Facebook account ni Mayor Vico Sotto

Humingi si Mayor Sotto ng paumanhin kasabay ng pagpapasalamat na rin sa pasensyang ipinakita ng mga residente.

“Humihingi po ako ng paumanhin at nagpapasalamat ako sa pasensiya na ipinapakita niyo. Ginagawa namin ng Solid Waste Mgmt Ofc ang lahat para masolusyonan agad ang masamang koleksyon sa Pasig ngayon,” anang alkalde.

Ibinahagi rin ng mayor ang plano ng lungsod na bumili ng mga garbage trucks bilang back-up sa koleksyon ng mga basura kung kakailanganin.

Imahe mula sa Facebook account ni Mayor Vico Sotto

Loading…