Mga evacuees ng bulkang Taal, naghatid ng good vibes sa isa’t-isa

  • Kahit anong pagsubok ang dumating, nananatiling matatag ang mga Pilipino
  • Sa gitna ng pag-aalboroto ng bulkang Taal, nakahahanap pa rin ng paraan upang maging masaya
  • Nakatatawa man ang ilang mga damit na natanggap sa donasyon, nakatataba pa rin ng puso ang mga ito

Tunay ngang likas na masayahin ang mga Pilipino. Kahit anong unos pa ang dumating sa buhay, hindi nila nakalilimutang magpangiti at maghatid ng saya sa bawat isa. Isang halimbawa rito ay ang mga evacuees sa Batangas sanhi ng pag-a-alburoto ng bulkang Taal.

Imahe mula sa Facebook account na Gillianns Diner

Ibinahagi ng Facebook account na Gilliann’s Diner, isang kainan sa Bauan, Batangas, ang nakatutuwang larawan at video ng mga evacuees kung saan tila hindi nila alintana ang kinakaharap na pagsubok. Sa halip na magmukmok o malungkot ay mas pinili nilang magbigay na lamang ng saya sa isa’t-isa bilang paraan na rin nila ng pagdadamayan at pagpapakita ng kanilang positibong pananaw.

Sa unang post makikita ang larawan ng mga evacuees na tila nakapila sa isang evacuation center sa Alagao-Malindig Elementary School. Kapansin-pansin ang kanilang mga suot na hindi karaniwang ginagamit sa pang-araw-araw na buhay ng tipikal na Pilipino.

Subalit mas nakapukaw ng pansin ang isang evacuee na nagngangalang Romuell Yancha Sabusap na pusturang-pustura sa suot niyang gray na coat. Abot tainga ang ngiti ng kanilang mga kasamahan dahil aliw na aliw ang mga ito sa kanya.

Ayon sa mga komento, ang suot na damit ni Romuell at ng iba pang mga evacuees sa larawan ay galing sa mga donasyon ng mga kababayan nating mga Pilipino.

Ang ilang mga nakakita ng larawan ay nadismaya sa mga nagbigay ng damit dahil nagmukhang katawa-tawa ang mga evacuees, ngunit depensa naman ng iba ay natural lamang na may maibigay na mga damit kagaya ng natanggap ng mga evacuees na nasa larawan dahil hindi na agad maiisip pa ng mga nagbigay kung ano ang maganda at hindi lalo na sa mga ganitong oras.

I-click ang imahe upang mapanood ang video

Subalit para sa mga evacuees, taus-puso pa rin silang nagpapasalamat sa mga natanggap na damit. Balewala sa kanila kung swak ba sa panlasa nila o hindi ang mga ito. Ang mahalaga ay natulungan sila at alam nilang may nagmamalasakit sa kanila.

Nagpaunlak din ng video si Romuell kung saan naisipan niyang pasayahin pa ang mga kasama sa pamamagitan ng pagpapanggap bilang isang mayor sa kunwaring interview.

Nakatatawa man para sa iba ang kanilang naging hitsura, nakapagpasaya naman sila.

I-click ang imahe sa itaas upang mapanood ang video ni Romuell.

Loading…