Mga inmate mula Gumaca, Quezon, gumawa ng face mask para sa evacuees sa Batangas

  • Patuloy ang pagdagsa ng tulong para sa mga evacuees sa Batangas
  • Isa sa mga nagpaabot ng tulong ay ang mga inmates mula sa Gumaca, Quezon
  • Gumawa sila ng face mask na maaaring labhan at gamiting muli ng mga evacuees

Maraming mga Pilipino ang nagpapaabot ng tulong para sa mga nasalanta ng pag-aalburoto ng Bulkang Taal. Mula sa mga simpleng indibidwal hanggang sa mga maimpluwensiyang pangalan sa iba’t ibang larangan ay gumagawa ng paraan upang makipagbigay ng ayuda sa kanilang kababayan.

At pinatunayan ng isang grupo ng inmates mula sa Gumaca, Quezon na kahit nasa loob sila ng piitan ay makagagawa sila ng paraan upang makatulong sa mga evacuees sa Batangas. In-upload ng netizen na si Ella Mae Merilloza sa kanyang Facebook account ang larawan ng mga inmates sa Gumaca Jail District na gumagawa ng face mask.

Larawan mula sa Facebook post ni Ella Mae Merilloza

Ayon sa kanyang post, kahit daw walang makina ay tiniyaga ng mga babaeng inmates na tahiin ang mga face mask upang makabawas sa peligrong dulot ng ashfall sa Batangas na lubhang naapektuhan ng pag-aalburoto ng Bulkang Taal. Punong-puno raw ng pagmamahal ang kanilang ginawang face mask dahil ginawa lamang nila ito gamit ang mga panahing pangkamay.

“Kahit wala tayong makina na pantahi, na kahit sa kabila ng inyong sitwasyon hindi hadlang ang mga rehas upang makapaghatid kayo ng kaunting tulong para sa mga kapatid nating nasa Batangas na dumaranas ng ashfall. Sabi n’yo pa nga mam ang face mask na yan ay niyari na may pagmamahal…” sabi ni Ella Mae.

Dagdag pa niya, magandang kalidad ang ginawang face mask ng mga inmates dahil maaari itong labhan at gamiting muli. Sa ganitong paraan daw ay mas matagal na magagamit ng mga Batangueño ang inialay nilang face mask.

“Malaking tulong ito at matagal nila magagamit pagkat ang facemask n’yong gawa ay pwedeng labhan at gamitin muli,” pahayag ni Ella Mae.

Larawan mula sa Facebook post ni Ella Mae Merilloza

Proud na proud naman si Ella Mae sa mga inmate. Kahit daw kasi may mga kinahaharap ding sariling suliranin ang mga ito, hindi ito naging hadlang para isipin muna ang iba bago ang kanilang mga sarili. Pinasalamatan din ni Ella Mae ang kanyang anak na si Mykca dahil ito raw ang nagbigay ng materyales upang makapagtahi ang mga inmates ng face mask.

Maraming netizens din ang humanga sa ginawang ito ng mga inmates. Ayon sa kanila, sa panahon daw ng kalamidad tulad nito ay nakalilimutan ng lahat ang pagkakaiba at nagkakaroon ng pagkakaisa para sa ikabubuti ng mga nasalanta.

Loading…