Mga isda sa Taal Lake ligtas kainin – BFAR

  • Ipinahayag ng BFAR na ligtas kainin ang mga isdang mahuhuli sa lawa ng Taal
  • Siguruhin lang na sariwa at buhay na nahuli ang isda mula sa lawa
  • Taliwas ang pahayag ng BFAR sa naunang babala ng DOH laban sa pagkain ng mg isda mula sa Taal Lake

Ligtas kainin ang mga isdang mahuhuli sa Taal Lake, ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, ahensiyang nasa ilalim ng Department of Agriculture.

Screenshot mula sa video ng ABS-CBN

Taliwas ito sa unang naging pahayag ng Department of Health na delikado ang pagkain ng mga isdang mahuhuli sa lawa dahil sa epekto ng pagbuga ng abo at sulfur dioxide ng Taal Volcano na posible umanong nakaapekto sa kalidad ng tubig sa lawa.

Matatandaang nagbabala si Health Assistant Secretary Ma. Francia Laxamana sa isang press briefing ilang araw matapos ang pagsabog ng bulkan laban sa pagbili ng mga isdang mahuhuli sa lawa ng Taal, kabilang na ang popular na “tawilis” at tilapia. Posible umanong mauwi sa food p0isoning ang pagkain ng mga isda mula sa lawa.

Ngunit matapos ang isinagawa ng BFAR na pagsusuri sa kalidad ng tubig ng Taal lake, lumabas sa resulta na “favorable” naman ang quality ng tubig sa lawa at ligtas kainin ang mga isdang mahuhuli roon.

Sinabi ni BFAR National Director na si Eduardo Gongona na kailangan lang na sariwa at buhay na nahuli sa lawa ang isda. Dapat din umanong linising mabuti ang isda, alisin ang laman-loob niyon bago iluto nang maayos.

Screenshot mula sa video ng ABS-CBN

“Kailangang ma-confine lang sa buhay na nahuhuli doon. At kung kakainin, kailangan hugasan maigi,” anang BFAR official.

Kasunod ng pahayag ng BFAR, umapela sa DOH ang grupong PAMALAKAYA na pinamumunuan ni  Fernando Hicap. Labis daw na naapektuhan ang mga mangingisda sa Taal Lake dahil sa advisory ng DOH.

Ani Hicap, sa ngayon ay nasa P30 kada kilo na lang ang farm gate price ng tilapia at posibleng bumaba pa ito sanhi ng DOH advisory. Dapat na raw alisin ang advisory.

Samantala, nilinaw ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology na nananatiling ipinagbabawal ang pangingisda sa Taal Lake dahil sakop ito ng 14-kilometer danger zone.

Screenshot mula sa video ng ABS-CBN
Source :

Philstar, ABS-CBN

Loading…