Mga pananim sa Benguet, binalot ng yelo dahil sa labis na lamig

  • Nagyelo sa lamig ang mga pananim na gulay sa Atok, Benguet
  • Dahil ito sa napakababang temperatura sa pagpasok ng 2020
  • Tumaas naman ang bilang ng mga turista upang masilayan ang mga pananim na nababalot ng frost o andap

Binalot ng frost o andap ang mga pananim na gulay at bulaklak sa Atok, Benguet dahil sa labis na lamig na nararanasan doon, simula nang pumasok ang taong 2020.

Imahe mula sa Facebook page ng ABS CBN News

Ayon sa ulat, umabot na sa 5 hanggang 7 degree Celsius ang temperatura sa lugar na iyon, na naging dahilan upang magyelo ang mga pananim na gulay at bulaklak.  Gayunman, tiniyak naman ng mga magsasaka na walang epekto ang andap sa produksiyon nila ng gulay.

Nagbigay naman ng komento rito ang mga netizens na kagagaling lamang sa Benguet noong nakalipas na holiday season. Sabi ng isa, “Maganda sana iyan para sa mga turista, napakasarap sa pakiramdam ng klima. Kaya lang, kawawa naman ang ating mga magsasaka. Malamang tataas na naman ang presyo ng mga gulay from Benguet.”

“Maganda ngang tingnan pero nakakaawa ang mga tao diyan, lalo’t iyan ang kanilang kabuhayan. Nakakaawa talaga din ang mga farmers kasi marami silang pagod at hirap sa pagtatanim tapos madalas nauuwi pa sa wala ang kanilang aanihin. Hays.. I pray talaga na maging okay sila at mga crops nila,” saad naman ng isa.

Turan naman ng isa na inihambing ang ganitong kalagayan sa bansang Japan, “Sa Japan mismong gobyerno ang bumibili o gumagawa ng way para matulungan ang mga farmers. Sa Pinas limos lang kaya ibigay.”

Imahe mula sa Facebook page ng ABS CBN News

Ang munisipalidad ng Atok ay 4th class municipality ng lalawigan ng Benguet, na nagmula umano sa pariralang Ibaloi na “Nay patok shi Chontog” na nangangahulugang “on the mountain top”, na pinaiksi at ginawang Atok. Dahil nasa mataas na lokasyon ang Benguet, isang tipikal na senaryo na sa Atok na mabalot ng frost o andap ang kanilang mga pananim, lalo na sa panahon ng pagpasok ng malalamig na buwan, tulad ng Disyembre. Tumataas naman ang bilang ng mga dumadayong turista sa ganitong panahon.

Makikita sa Facebook page ng UP in the North ang iba pang larawan mula umano sa kumuha nito na si Divine P Dulnuan-Philip ng mga makamamanghang gulay na nababalot ng frost. Harinawa’y huwag naman masira ang mga pananim nila.

 

Loading…