Mga residente ng Agoncillo, Batangas sandaling pinayagang makabalik sa kanilang mga bahay

  • Mga apektadong residente ng bayan ng Agoncillo sa Batangas pinayagang saglit na makabalik sa kanilang mga bahay
  • Pinayagan ang mga residente na pakainin ang mga alagang hayop at maglinis ng mga tahanang nababalot ng abo
  • Limang oras lang ang ibinigay sa mga residente – mula alas-singko ng madaling araw hanggang alas-diyes ng umaga

Binigyan ng lokal na pamahalaan ng Agoncillo sa Batangas ang mga residente nito ng ilang oras nitong Sabado, ika-18 ng Enero, upang saglit na makabalik sa kanilang mga tahanan upang makuha ang mga importanteng bagay na naiwan kasunod ng pag-aalburuto ng Bulkang Taal.

Imahe mula sa Bombo Radyo

Ang mga pinapayagan lang na makapasok sa bayan ng Agoncillo ay ang mga residenteng nabigyan ng permit mula sa kanilang munisipyo na ipinamahagi ng mga lokal na awtoridad.

Ang window hours na ipinatupad ay mula 6:00 ng umaga hanggang 10 ng umaga, subalit alas-singko pa lang ng madaling araw ay pinayagan nang makapasok ang mga residente. Ito ay upang hindi umano maipon ang mga tao sa checkpoint na inilagay sa bukana ng bayan.

Bukod sa mga naiwang gamit, ang sadya ng mga residente ay ang unti-unting linisin ang mga tahanang nabalot ng makapal na abo at upang mapakain ang mga naiwang alagang hayop.

Binigyang-diin naman ng Batangas Police Provincial Office (PPO) na patuloy ang mahigpit nilang pagbabantay at pagroronda habang ipinatutupad ang window hours upang masiguro na walang mananamantala sa sitwasyon.

Screenshot mula sa video ng GMA

Sinabi ni Col. Edwin Quilates, provincial director ng Batangas PPO, na may nakahandang mga katanungan para sa mga residenteng bumalik bago sila lumabas ng Agoncillo. Binabantayan din umano nila ang behavior ng mga hayop na bitbit ng mga evacuees upang matukoy kung sila ang tunay na may-ari ng hayop.

Pagkatapos ng window hours ay muling isinailalim sa lockdown ang Agoncillo. Ibig sabihin, wala nang sinuman ang papayagang makapasok sa  nasabing bayan.

Screenshot mula sa video ng GMA

Loading…