Mga residente sa isla ng Taal hindi na pababalikin, planong ilipat sa Ibaan, Batangas

  • Mga residente ng Taal Volcano Island, na isang permanent danger zone, hindi na pababalikin sa kanilang mga tahanan
  • Ire-relocate ang mga taga-pulo sa isang housing project ng National Housing Authority sa Ibaan, Batangas
  • May humigit-kumulang 1,000 bahay na sa nasabing housing project

Ililipat sa ibang bayan ng Batangas ang mga residente sa Taal Volcano Island, na isang permanent danger zone, para sa kanilang kaligtasan.

Imahe mula sa Food Evolution

Ayon kay Batangas Vice Governor Mark Leviste, ang mga residente ng isla, na humigit kumulang ay nasa 10,000, ay permanente nang ililipat sa bayan ng Ibaan dahil hindi na papayagan ang paninirahan sa isla ng Taal.

“Hindi na po pwedeng balikan ang Taal Volcano Island. Mayroon tayong 10,000 residents who used to live on the volcano island, sila po ang ating unang priority,” anang bise gobernador sa isang panayam.

Dalawang pasilidad sa Ibaan ang tinitingnan ng pamahalaang lokal ng Batangas na maaring paglipatan sa mga dating residente ng isla at mga evacuees na pansamantalang nagkakanlong sa mga paaralan.

“’Yung una ay lugar ng National Housing Authority (NHA) kung saan may mahigit-kumulang 1,000 bahay na. Dito natin ililipat ang mga taga-pulo,” aniya.

Ang ikalawa naman ay ang isang pasilidad na idinisenyo upang maging rehabilitation center. Maaring dito ilipat ang mga evacuees na umuokupa sa mga silid-paaralan.

Imahe mula sa REO Clbrzon

Paliwanag ni Leviste, kailangan na nilang alisin ang mga evacuees sa mga paaralang ginagamit bilang evacuation centers upang maituloy na ang mga klase na nasuspinde simula pa noong January 12.

Sinabi ni Human Settlements and Urban Development Secretary Eduardo del Rosario na kasalukuyan nang gumagawa ang pamahalaan ng mga imprastruktura sa NHA housing project sa Ibaan upang masuplayan iyon ng tubig at kuryenteng magagamit ng mga residenteng ililipat doon.

Hangad natin ang muling pagbangon ng mga residenteng nawalan ng tahanan at kabuhayan.

Imahe mula sa Batangas PIO

Loading…