Modern heroes: Pamilya sa Calatagan, kinupkop ang 100 kataong lumikas sa Lemery

Imahe mula sa video ng GMA News via YouTube
  • Isang tahanan sa Calatagan, Batangas ang nagsilbing evacuation center ng 100 katao
  • Lumikas sila mula sa Lemery na kabilang sa 14-kilometer danger zone
  • Hiling nila na sana raw ay maabutan din sila ng mga relief goods

Hindi man sila magkakadugo o magkakakilala, pinatuloy ng isang residente sa Barangay Sta. Ana sa  Calatagan, Batangas ang 31 pamilya na binubuo ng 100 katao sa loob ng kaniyang tahanan.

Imahe mula sa video ng GMA News via YouTube

Ayon kay Jun Gamez, masaya raw siya na nakagawa siya ng paraan upang makatulong sa mga kababayan mula sa Lemery na kabilang sa 14-kilometer danger zone. “Panginoon na lang ang bahala siguro po. Masaya po at kahit paano ako ay nakakatulong,” sabi niya sa ulat ng GMA News.

Kanya-kanya ng diskarte ang mga evacuees doon kung paano nila mapagkakasiya ang sarili. Naglatag sila ng kanilang kutson sa sala, kusina, terrace, at maging sa labas ng bahay. Kahit nagpapasalamat at may kumupkop sa kanila nang sumab0g ang Bulkang Taal noong nakaraang Linggo, hiling nila na sana raw ay maabutan din sila ng mga relief goods. Bihira raw kasi ang tulong na dumarating sa kanila dahil malubak at mahirap matunton ang kanilang pinaglalagian.

Samantala, isa sa mga lumikas doon ay si Raquel Endrinal na walong buwang buntis na. Nagpapasalamat daw siya sa may-ari ng bahay dahil mas komportable roon kumpara sa evacuation center ngunit hindi maalis sa isip niya ang mag-alala.

“Sobrang hirap po dahil nga po buntis ako tapos mahirap na hindi alam kung saang ospital ako madadala. Hindi pa ako kumpleto sa gamit,” saad niya.

Imahe mula sa video ng GMA News via YouTube

Si Aen Baybay na isa rin sa 100 na kinukupkop ng pamilya ni Gamez ay nangangamba na magsawa rin sila sa pagtulong. “Pinagdarasal na lang po namin na sana matapos na po,” sabi niya.

Nang tanungin kung hanggang kailan niya balak na kupkupin ang mga pamilya sa kaniyang tahanan, sinabi niyang “Hanggang mayroong sakuna na ganiyan.”

Hindi pa rin pinababalik ang mga residenteng lumikas sa kanilang mga tahanan dahil pinangangambahan pang pumut0k ang Bulkang Taal kung saan nakataas pa rin ang Alert Level 4 na nangangahulugang maaaring maganap ang hazardous expl0sive erupti0n sa loob ng ilang oras o araw.

Source :

YouTube

Loading…