Motorcycle taxi companies na Joyride at Move It nagsimula nang pumasada

  • Bagong motorcycle taxi companies na JoyRide at Move It pumasada na sa 3-month extended pilot study
  • Katulad ng Angkas, kailangan lang i-download ang app ng Joyride at Move It para makapag-book ng ride
  • Kapag natapos na ang pilot run ay hindi na sila papayagang pumasada hangga’t hindi nadedesisyunan ng Kongreso na pasado sila bilang bagong public utility vehicle

Mayroon nang ibang motorcycle taxi transport network companies (TNC) na mapagpipilian ang mga pasaherong nais umiwas sa matinding traffic.

Imahe mula sa Facebook page na Joyride at Move it

Bukod sa Angkas, umarangkada na rin ang Joyride at Move It sa 3-month extended pilot study na isinasagawa ng pamahalaan na tatagal hanggang sa buwan ng Marso.

Katulad ng Angkas, kailangan lang i-download ang app ng Joyride at Move It para makapag-book ng ride.

Ang Joyride ay mayroon nang 6,907 rider-partners at ang 1,493 sa kanila ay bumibiyahe na. Ang natitirang 5,414 ay onboarded na pero hindi pa activated, samantalang ang Move It ay may 1,877 rider-partners na pumapasada na at nasa 4,000 ang nasa proseso pa ng onboarding.

Sa datos ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), may 7,471 registered riders sa kanila ang Angkas.

Sampung libo ang maximum riders sa bawat TNC ayon sa guidelines ng technical working group (TWG) ng LTFRB na nagsasagawa ng pilot study.

Imahe mula sa Facebook page ng Joyride

Nagtakda ang LTFRB ng pamasahe kahit ano pang TNC ang sasakyan ng pasahero. Nakadepende ito sa distance calculator ng mga app. Sa unang dalawang kilometro ay P50. Sampung piso naman kada susunod na kilometro hanggang 7 kilometers. Fifteen pesos per kilometer kung lalampas na sa 7 kilometers ang distansya ng biyahe.

Wala rin dapat ipatupad na price surge o ang pagtataas ng singil sa pamasahe kapag mataas ang demand.

Sakaling maningil nang sobra ang mga TNC, maaari itong ipagbigay-alam sa Facebook page ng LTFRB.

Imahe mula sa Facebook page ng Move it

Nilinaw ni LTFRB Board Member Antonio Gardiola, Jr., ang chairman ng TWG, na hindi na palalawigin pa ang extended pilot study. Kapag napaso na ito ay hindi na papayagang pumasada ang mga TNC.

Pagkatapos ng pilot run ay isusumite ng TWG sa Kongreso ang mga datos na nakalap sa pag-aaral upang madesisyunan kung makakapasa ang mga TNC bilang bagong public utility vehicle.

Source :

YouTube, Abante

Loading…