Mukha ng dekada: Liza Soberano, itinanghal na 3rd most beautiful face of the decade ng TC Candler

  • Nasa ikatlong puwesto si Liza Soberano sa Most Beautiful Faces of the Decade
  • Dahil ito sa magandang performance ni Liza sa annual ranking ng TC Candler
  • Proud naman ang manager ni Liza na si Ogie sa panibagong achievement ng alaga

Literal na inangkin ng Kapamilya actress na si Liza Soberano ang nakaraang dekada dahil matapos ang tagumpay ng kanyang mga proyekto sa telebisyon at pelikula, itinanghal din siya bilang isa sa pinakamagagandang mukha ng dekada ng isang kilalang countdown website ng most beautiful faces sa buong mundo.

Sa inilabas na official list ng Independent Critics at TC Candler sa kanilang YouTube account, itinanghal na ikatlo sa pinakamagandang mukha ng dekada si Liza, kung saan natalo niya ang iba’t ibang sikat na personalidad sa mundo tulad ni Wonder Woman Gal Gadot, Korean actress Song Hye-Kyo, Hollywood actress Natalie Portman, at Lisa ng grupong Blackpink.

I-click ang larawan upang mapanood ang buong list ng TC Candler

Nabuo ang 30 Most Beautiful Faces of the Decade list ng TC Candler sa pamamagitan ng pagbabalik-tanaw sa naging placements nila sa kanilang annual most beautiful list simula 2010 hanggang 2019. Noong 2015 lamang pumasok si Liza sa list ng TC Candler at minsan na ring nakuha ang unang puwesto noong 2017.

Itinanghal na 6th placer si Liza noong 2015, ikalawang pinakamagandan noong 2016, ikaapat noong 2018, at pang-sampu naman noong 2019. Limang taon lamang si Liza sa listahan ngunit sapat na ito upang itanghal siya bilang ikatlong pinakamaganda noong nagdaang dekada.

Nanguna sa listahan ng Most Beautiful Faces of the Decade ang Korean actress at performer na si Im Jin-ah o mas kilala bilang Nana. Ikalawa naman si Emma Watson, ikaapat si Camilla Belle, ikalima si Tzuyu, nasa ikaanim na puwesto naman si Emilia Clarke, ikapito si Thylane Blondeau, ikawalo si Jourdan Dunn, nasa top 9 si Marion Cotillard, at ikasampu naman sa pinakamagandang mukha ng dekada si Chloe Grace Moretz.

Si Liza lang din ang Pilipinang nakapasok sa top 30 Faces of the Decade ng TC Candler. Nakuha naman ng kilalang personalidad n si Gal Gadot ang ika-19 na puwesto, habang nasa ika-12 na puwesto naman si Lisa Manoban.

Larawan mula sa Instagram account ni Liza Soberano

Proud na proud naman ang manager at ama-amahan ni Liza sa showbiz na si Ogie Diaz sa bagong karangalang natamo ng kanyang alaga. Mensahe ni Ogie para sa kanyang alaga na mapapanood na sa seryeng ‘Make It With You,’ “Ikaw na talaga, ‘nak!”

Tanyag ang TC Candler sa kanilang 100 Most Beautiful Faces list na inumpisahan nila noong  1990. Ayon sa kanilang website, maliban sa botohan, isinasaalang-alang din nila ang pagpapakita ng kagandahan ng mga celebrity sa iba’t ibang aspeto tulad ng pagtulong sa kapuwa at hindi pagkakasangkot sa mga kontrobersya.

Loading…