Naka-lockdown na lugar sa Batangas maliban sa Agoncillo at Laurel binuksan na, mga residente maaari nang umuwi

  • Mga residente sa ilang bayan na ni-lockdown maaari nang bumalik sa kanilang mga tahanan
  • Ito ay matapos ibaba sa Alert Level 3 ang Taal Volcano
  • Nananatiling naka-lockdown ang bayan ng Agoncillo at Laurel

Inanunsiyo ni Batangas Governor Hermilando Mandanas ngayong araw ng Linggo, ika-26 ng Enero, na ang mga residente sa mga lugar na ni-lockdown, maliban sa Agoncillo at Laurel, ay maaari nang umuwi sa kanilang mga tahanan kung nais nila.

Imahe mula sa World Vision

“Considering the latest advisory of the Philippine Institute of Volcanology and Seismology released today, January 26, that the alert level has been lowered from 4 to 3, residents of all towns under lockdown, except Agoncillo and Laurel, now have the option to return to their respective residences or place of work,” pahayag ni Governor Mandanas sa isang press conference.

Kabilang sa mga lugar na inalis na sa ilalim ng lockdown ang mga bayan ng Alitagtag, Balete, Cuenca, Lemery, Malvar, Mataas na Kahoy, San Nicolas, Santa Teresita, Taal, Talisay at ang dalawang siyudad – ang Lipa at Tanauan.

“Yung mga lumikas mula dito na nagpuntahan sa evacuation centers at sa mga bahay-bahay na kumukupkop sa kanila hanggang ngayon, maaari na silang magpasiya kung sila ay uuwi o hindi,” sabi ng gobernador.

Nilinaw ni Gov. Mandanas na ang Taal Volcano Island ay mananatiling nasa ilalim ng permanent lockdown. Ang ibig sabihin nito ay hindi na maaaring bumalik ang mga residenteng naninirahan sa isla bagaman pinapayagan na ang mga residente ng Talisay at San Nicolas na makabalik sa kanilang mga tahanan.

Imahe mula sa The Filipino Connection

“Nakapermanent lockdown ang volcano island. Ibig sabihin, kailanman hindi na puwedeng bumalik diyan. Sa ngayon, ni hindi ka pwedeng lumapit diyan. So huwag nang aasa. ‘Yung mga taong naghahanapbuhay doon ay ililikas o nailikas na,” ani Mandanas.

Ayon kay Army Brig. Gen. Kit Teofilo ng Task Force Taal, naka-deploy na ang mga pulis at sundalo upang bigyan ng ayuda ang mga residenteng magsisibalikan sa kanilang mga tahanan at para masigurong magiging maayos ang proseso.

Sinabi ni Gov. Mandanas sa mga magsisibalik na residente na manatiling alerto at handa sa mabilisang paglikas sakaling muling itaas ang Taal Alert Level sa Level 4.

Imahe mula sa Philippine Navy

Loading…