Nakipag–agawan ka na rin ba sa paggamit ng “phone charger”?

  • Kinatuwaan ng mga netizens ang ibinahaging larawan ng isang phone charger ng isang Facebook user
  • May caption kasi itong “Isa sa mga sumisira sa pamilyang Pilipino”
  • Nagbahagi naman ng kanilang karanasan ang mga netizens hinggil dito

Isa sa mga bagay na hindi yata mabibitiwan ng nakararami sa kasalukuyan ang paggamit ng cellphone. Noon, itinuturing na “luho” ang pagkakaroon ng cellphone, subalit sa pagdaan ng panahon, ito ay naging pangangailangan na – a necessity. Naging mahalagang gamit ng tao ang pakikipag–ugnayan sa iba sa pamamagitan ng komunikasyon.

Ang mga cellphone ay umaandar sa pamamagitan ng phone battery, na nasusuplayan naman ng kuryente o power sa pamamagitan ng phone charger. Ibinahagi ng isang Facebook user na nagngangalang “Erwin” ang larawan ng kaniyang phone charger sa kaniyang Facebook post, na may caption na “Isa sa mga sumisira sa pamilyang Pilipino”.

Imahe mula sa Facebook account ni Erwin Usapdin

Batay sa kaniyang caption, hindi man seryosong sumisira ito ng pamilyang Pilipino, nagiging dahilan kasi ito upang magkatampuhan ang mga miyembro ng pamilya dahil sa pag–aagawan sa paggamit nito. Lahat kasi ay kailangang mag-recharge ng kanilang phone, at minsan, dumarating sa puntong naghihiraman lamang ang mga miyembro ng isang pamilya.

Kinaaliwan naman ito ng mga netizens kaya todo–like sila sa post ng nagbahaging Facebook user. Nanariwa rin sa kanila ang mga karanasan nila hinggil dito.

Sabi ng isa, “Legit iyan sa pamilya namin hahaha, lalo na noong bagong boom pa lamang ang cellphone sa Pinas. Talagang nag–aagawan kami sa charger. Pati na rin sa outlet o kaya sa extension wire. Those were the days.”

“Uso pa nga ang taguan ng charger noon. Hahaha. Nakakaloka iyan. Noong una, nagagalit sa amin ang Papa namin, pero noong nagkaroon na rin siya ng phone, aba, isa na rin siya sa nakikipag–unahan hahaha,” pagbabahagi naman ng isa.

Public Domain Image

Subalit hindi naman lahat ay nagkakagalit dahil sa agawan sa charger.

Ayon sa salaysay ng isang nagngangalang “Fe”, dahil sa phone charger ay nakilala niya ang kaniyang kasintahang si “Arnold” nang minsang malow batt ito, at nakihiram ng charger sa kaniya habang sila ay nasa isang coffee shop. Pareho silang mag–isang nakatambay noon kaya naman nagkakuwentuhan sila, nagkapalitan ng mga numero, muling nagkita, nagkapalagayang loob, at naging magkasintahan.

Ikaw, ano ang kuwento mo kakabit ng phone charger?

Loading…