NCRPO chief mangunguna, magsisilbing modelo sa pagbabawas ng timbang ng overweight cops

  • NCRPO maglulunsad ng BMI reduction program
  • Pangungunahan ni NCRPO chief Major General Debold Sinas ang weight loss program
  • Si Sinas ang magsisilbing modelo ng mga pulis na magbabawas ng timbang

Pangungunahan ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Major General Debold Sinas, na magsisilbi na rin bilang modelo, ang pagbabawas ng timbang bilang bahagi ng kampanya ng Philippine National Police (PNP) laban sa overweight cops.

Imahe mula sa PIO NCRPO

Ipinahayag ni Sinas na ilulunsad ng NCRPO sa ika-4 ng Pebrero ang Body Mass Index (BMI) reduction program. Isiniwalat niya na sa Metro Manila ay may 700 na matatabang pulis na nasa klasipikasyon ng obese II and III, samantalang may 300 pang hindi naman obese pero kailangan pa ring magbawas ng timbang.

“Actually ako ang tinarget nilang gawing model eh. Ngayon, ang unang gagawin namin, next week ilo-launch namin ‘yung “Target BMI,” ‘yung target reduction of BMI,” pahayag ng NCRPO chief sa isang press briefing na ginawa sa Quezon City Police District.

Mula  Pebrero hanggang Marso, ang mga overweight cops ay bibigyan ng seminars at lectures kung saan hihikayatin at tuturuan sila kung paano magbawas ng timbang sa pamamagitan ng ehersisyo at tamang diyeta.

Ang mga kalahok sa programa ay hindi muna magre-report sa kanilang regular duty upang mapagtuunan ang pagbabawas nila ng timbang.

Imahe mula sa PIO NCRPO

Sakaling hindi pa rin maabot ng mga bigating pulis ang target BMI nila sa loob ng dalawang buwan ay oobligahin silang sumailalim sa isang “summer camp” sa loob ng NCRPO headquarters.

“Doon imo-monitor ‘yung exercise at libre ang pagkain kasi ang pagkain doon puro lettuce at saka carrots at pipino kaya libre. The summer camp naman is controlled,” wika ni Sinas.

“Kumbaga pwersahan na. So, pag nag-classify ka sa obese II and III and you have 2 months na mag-reduce substantially. ‘Pag walang progress, forced ka doon sa summer camp. Sa umaga exercise, sa hapon exercise, sa gabi ballroom, libre ang pagkain dyan, sasagutin namin… Kung ayaw nila pumunta at mag-reduce, get out of NCRPO,” dagdag  pa ng NCRPO chief.

May itatalagang dietician, nutritionist at medical  personnel si Sinas na magmomonitor sa mga pulis upang hindi naman malagay sa peligro ang kanilang kalusugan.

Imahe mula sa PIO NCRPO
Source :

GMA Network, PNA

Loading…