To give or not to give: Netizen na nakapulot ng bag ng taga-Meralco, “eh di kayo na pumick up!”

  • Tumanggi ang isang netizen na ibalik ang napulot niyang bag na naglalaman ng electric bills para sa mga taga Muntinlupa
  • Naiwanan ito ng agent na nagdedeliver ng mga electric bills sa mga bahay–bahay
  • Wala naman daw kasing pabuya ang gagawin niya, at inutusan pa siyang isauli ito sa business center

Dapat nga bang bigyan ng pabuya ang isang taong nagsauli ng napulot na gamit o bagay na naiwan ng imay–ari? O isa itong obligasyong panlipunan na nararapat lamang gawin bilang pagpapakita ng kagandahang–asal kahit walang kapalit na pabuya o gantimpala?

Ibinahagi ng isang netizen na nagngangalang “Ritche Carreon” sa pamamagitan ng kaniyang Facebook post ang kaniyang karanasan hinggil sa napulot niyang bag sa kaniyang shop.

Ayon sa kaniyang kuwento, inakala niyang naglalaman ng paldo–paldong pera o paper bills ang naturang bag. Nang kunin at tingnan niya ang laman nito, bills nga ang laman—subalit electric bills pala mula sa Meralco!

Imahe mula sa Facebook account ni Ryan Rodrguez

“Kakatawa. Meralco Convo. Naiwang bag sa harap ng shop akala ko jackpot na hahaha, Meralco bills pala ng Muntinlupa,” ayon sa caption ng post ng netizen. Ibinahagi rin niya ang conversation thread nila ng taga–Meralco sa pamamagitan ng Facebook messenger.

Ayon dito, kinuhanan ng netizen ng larawan ang bag na punumpuno ng electric bill sa pamamagitan ng camera ng kaniyang cellphone. Ipinadala niya ito sa messenger ng opisyal na Facebook page ng Meralco. Sinabi niyang nakita at napulot niya ang bag. Kagyat naman itong tumugon. “We’re sorry to know that. You may proceed to business center to return the bills.”

Tinanong ng netizen kung may matatanggap ba siyang reward o pabuya sa gagawin niyang pagsauli ng bills. Tumugon naman ulit ang Meralco at sinabing wala itong reward. Natawa ang netizen at gumanti ito ng tugon na “eh di kayo na pumick up hahaha” na nangangahulugang sila na lamang ang kumuha mula sa kaniya.

Imahe mula sa Facebook account ni Ryan Rodriguez

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa iba pang mga netizens. Sabi ng isa, “Kailangan ba laging may reward sa lahat ng ginagawa natin? Huwag ganun!”

“Dapat lang iyan sila na kumuha. Ikaw na nga ang nakapulot, ikaw pa ang magdadala sa kanila? Dapat bigyan ka man lang nila ng pamasahe. Parang utang na loob mo pa na napulot mo ‘yan ah,” pakikisimpatya naman ng isa.

Kung ikaw ang nakapulot ng bag na naglalaman ng electric bills, ano ang gagawin mo?

Loading…