Netizen sa mga gustong makaipon: “No to iPhone, Yes to Ipon!”

  • Ibinahagi ng isang netizen kung paano siya nakapag–ipon sa loob ng isang taon
  • Inilalagay niya sa kaniyang espesyal na sisidlan ang 100 piso araw-araw at dagdag na 1,500 piso kada cut off
  • Umabot sa P73,400 ang kaniyang naimpok sa loob ng isang taon

Isa sa mga inilalagay ng mga tao sa “New Year’s Resolution” ang pagkakaroon, o at least masimulan man lamang, ang pag–iipon ng salapi. Sa alkansiya man, piggy bank, mga bote, o sa iba’t iba pang mga sisidlan, mahalaga’y may maiipon na salaping magagamit sa oras ng pangangailangan.

Isa sa mga naging matagumpay sa “ipon challenge” ang netizen na nagngangalang “Bert”.

Batay sa kaniyang Facebook post na may caption na “No to iPhone, Yes to ipon,” ibinahagi niya ang kaniyang matagumpay at mabisang habit sa kaniyang pag-iimpok na umabot sa halos P73,400 noong 2019.

Imahe mula sa Facebook post ni Bert Ebora

Ayon sa kaniyang paliwanag, hindi niya ibinahagi ang kaniyang ipon upang magyabang, kundi upang maghatid ng inspirasyon sa iba. Masarap daw mag–ipon kapag may goal. Mula raw sa maliit na halagang itinatabi, hindi mo raw mapapansing lumalaki na ito sa paglipas ng mga araw.

“Bale everyday 100 (pesos) hulog ko plus 1500 kada cut off. Mahirap lalo na kapag medyo matakaw ka, kailangan mo mag–diet para sa ipon hahahaha,” paliwanag ng netizen.

Sa kabuuan, nakaipon nga siya ng tumataginting na P73,400 sa loob ng isang taon. Payo niya, wastong disiplina lamang ang kailangan. Hangga’t maaari, huwag munang bumili ng mga bagay na hindi pa naman kailangan. Matutong mag–impok kahit na maliit na halaga lamang.

“Nakaipon ako ng 73,400 sa loob ng isang taon. Tamang disiplina lang… Huwag bumili ng mga bagay na di naman masyadong kailangan. Matutong mag–save kahit maliit na halaga…”

Imahe mula sa Facebook post ni Bert Ebora

Namangha naman ang mga netizens sa ibinahagi ni Bert. Sabi ng isa, “Ay! Grabe lodi! Kuha na ng insurance o meron ka na? Galing! Ako ubos na ipon ko dahil sa Pasko at Bagong Taon.”

“Wow! Pwede na i–share sa less fortunate people. Keep it up bro! God bless you more,” turan naman ng isa.

Congratulations, Bert! Sana ay mapalago mo ang impok mong iyan. Sana ay pamarisan ka ng iba.

Source :

Facebook

Loading…