Netizen sa naispatang dayuhan sa Binondo: “At tumigil ang mundo… siya ang panalangin ko”

  • Ibinahagi ng isang netizen ang kilig na kaniyang naramdaman sa isang naispatang dayuhan
  • Nasabi na lamang niyang “At tumigil ang mundo… siya ang panalangin ko” na halaw mula sa isang awitin ni Moira Dela Torre
  • Nakita niya ang dayuhan sa kasagsagan ng pagdiriwang ng Chinese New Year sa Binondo, Maynila

Naranasan mo na bang maramdamang tila huminto ang pag–inog ng iyong mundo, napagkit ka sa kinatatayuan mong puwesto, dahil nasilayan mo ang taong magpapatibok ng iyong puso?

Iyan daw ang naramdaman ng isang nagngangalang “Joey” matapos niyang ibahagi sa kaniyang Facebook post nitong Enero 25, 2020, sa kasagsagan ng pagdiriwang ng Chinese New Year sa Binondo, Maynila, ang larawan ng isang dayuhang nagpatigil umano sa kaniyang mundo.

Ayon sa kaniyang caption, “At tumigil ang mundo… Siya ang panalangin ko. Chos!” na nagmula pa sa awiting “Malaya” ni Moira Dela Torre.

Imahe mula sa Facebook account ni Joey A. Japson LPT

Makikita sa larawan ang isang gwapong dayuhan. Ayon kay Joey, hindi naman niya nalapitan ang lalaki at hindi rin natanong ang pangalan nito. Marami naman sa mga netizens ang nagbigay ng komento rito. Sabi ng isa, “Ang sarap naman mabuhay kapag ganiyan ang makikita mo!”

Turan naman ng isa, “Buti pa si sir nakakita sa Binondo. Ako kaya? Kailan ko mahahanap ang para sa akin?”

Samantala, isang netizen naman ang nakapansin na pati raw si “Dora The Explorer” ay kinilig sa naturang dayuhan. Makikita kasi sa isang larawan na may lobong nakadibuho sa mukha ni Dora, na hawak ng isang bata. Ang lobo na may nakangiting mukha ni Dora ay nakaharap sa lalaking dayuhan. “Pati si Dora, kinilig!” ayon sa nagbahagi nito.

Imahe mula sa Facebook account ni Joey A. Japson LPT

Ayon sa mga eksperto, normal lamang sa isang tao na makaramdam ng kilig. Sa konteksto ng kalinangang Pilipino, tumutukoy ang kilig sa isang pakiramdam na pagkasabik, lalo na sa isang romantikong kalagayan o sitwasyon,  tulad ng pagkakita sa taong gusto o tinatawag sa Ingles na “crush”. Wala umanong direkta o tiyak na salin sa wikang Ingles ang salitang kilig.

Kaya naman, idinagdag na sa Oxford English Dictionary ang salitang “kilig” noong Marso 2016. Bilang pangngalan o noun, binigyang–kahulugan ito bilang “shudder” o isang “thrill”. Bilang pang–uri o adjective naman, binigyang–kahulugan ito na  “exhilarated by an exciting or romantic experience.”

Ikaw, kailan ka huling kinilig at tila tumigil ang iyong mundo?

Loading…