Netizen, umangal sa inorder niyang tosilog dahil mukhang gummy worms ang karne sa liit ng hiwa

  • Isang netizen ang nagbahagi ng kanyang karanasan sa isang silugan
  • Mukha raw kasing gummy worms ang inihaing tocino sa kanyang tosilog
  • Maliit kasi ang hiwa ng karne at kakaunti ang serving nito

Malaking bahagi ng kulturang Pilipino ang masarap at nakabubusog na almusal. Kaya naman pumatok sa panlasa ng marami sa atin ang silog meals. Ito ay kombinasyon ng sinangag o fried rice, pritong itlog, at isang ulam na karaniwang prito katulad ng tapa, bangus, manok, porkchop, at hotdog.

Ngunit tila isang netizen ang hindi nag-enjoy sa kanyang silog meal dahil sa liit daw ng hiwa ng karneng inihain sa kanya. Ibinahagi ni Filman Ferrer ang larawan ng inorder niyang tosilog o tocino, sinangag, at itlog na napagkamalan niyang gummy worms dahil sa liit ng serving.

Larawan mula sa Facebook post ni Filman Ferrer

Kita sa larawan ang malaking plato sa kainang pinuntahan ni Ferrer. Okay naman ang serving ng kanin at itlog na normal na kalakip ng silog meal. Ngunit tumaas na ang kilay ni Ferrer nang makita ang maliliit na hiwa ng tocino sa kanyang tocilog.

“Ate sabi ko TOSILOG po, hindi GUMMY WORMS,” sabi ni Ferrer sa kanyang post. Kung titignan, mukha nga namang gummy worms o iyong isang uri ng kending pahaba at malambot kapag kinagat, ang na-order ni Ferrer.

Agad namang nag-viral sa Facebook ang post isang araw matapos maibahagi ni Ferrer. Habang isinusulat ang balitang ito, mayroon nang 13,000 reactions na karamihan ay ‘Haha’ at 20,000 shares ang ‘kakaibang’ silog meal ni Ferrer.

Iba-iba naman ang naging reaksyon ng mga netizen sa post na ito ni Ferrer. May ilang tawang-tawa rin sa karanasang ito ng netizen at sinabing mayroon na rin silang mga nakainang tindahan ng silog na ganito rin ang serving ng tocino. May ilan namang ipinagtatanggol ang nasabing silugan at baka naman nasa bentelog lang siya kumain kaya ganoon ang serving.

Larawan mula sa YouTube

Sumagot naman sa post ni Ferrer ang nagpakilalang may-ari ng silugan na kinainan niya. Ayon kay Hazel Hazel, hindi raw basta tocino ang kanilang ginagamit sa kanilang silog at kilala itong tatak kaya ganoon lamang ang serving. Mura lang din daw nila itong ipinagbibili sa halagang 45 pesos.

Nag-iwan din si Hazel ng mensahe sa mga bumabatikos sa kanilang tosilog. Ayon sa kanya, alamin daw muna sana ng netizens ang halaga ng mga bilihin bago sila maliitin. Bandang huli, welcome pa rin naman daw ang mga netizens na gustong kumain sa kanilang tapsihan.

Loading…