Next Lyca Gairanod? Batang nangangalakal, pinahanga ang netizens sa kanyang magandang boses

  • Trending ang isang batang nangangalakal dahil sa husay nitong umawit
  • Kinanta niya ang sikat na awit na Binalewala at umani ito ng milyon-milyong views online
  • Minsan na ring nag-guest sa isang TV show ang bata at nakasama ang mga sikat na singer

Kamakailan ay nag-viral sa social media ang transformation photo ng unang The Voice Kids winner na si Lyca Gairanod. Dati kasing nangangalakal lang si Lyca at nag-iba ang takbo ng kapalaran para sa kanya nang manalo sa nasabing singing contest at ngayon ay may maayos nang pamumuhay.

At ngayon naman, isang batang nangangalakal ulit ang gumagawa ng pangalan online. Dahil kasi sa mahusay na boses nito, marami ang nagsasabi na maaari ding magbago ang pamumuhay niya dahil sa kanyang talento tulad ni Lyca.

I-click ang larawan upang mapanood ang video ng Teens On Line – Gorgeoustar Talent Agency

Sa in-upload na video ng Facebook page na Teens On Line – Gorgeoustar Talent Agency, mapapanood ang isang batang lalaki na ibinibirit ang sikat na awitin ngayong Binalewala ni Michael Dutchi Libranda. Nakasakay pa ito sa sidecar na ginagamit nila sa pangangalakal at kita pa ang mga nakolektang papel, karton, at bote ng bata.

Ngunit hindi pala ito ang unang viral video ng bata. Maraming netizens na ang nakakakilala sa kanya at nag-trending na rin pala ito noon dahil sa kanyang magandang rendisyon ng kantang Sayang na Sayang ng Aegis at Buwan ni Juan Karlos. Kinilala ang talentadong bata na si Michael Angelo Tatad, 12 anyos, na minsan na ring nag-guest sa isang TV show.

Sa isang episode ng defunct variety show na Sunday Pinasaya ng GMA Network, naging malaking bahagi si Michael ng anibersaryo at nakapagtanghal pa nang live sa studio at pinahanga ang mga Kapuso.  Ipinakita rin ang pamumuhay niya na anak ng isang barbero. Ginagawa raw ng bata ang pangangalakal upang kumita ng kanyang pambaon.

Nakasama pa niyang magtanghal ang mga world-class performers na sina Aicelle Santos at Julie Anne San Jose at inawit nila ang Sayang na Sayang na naging susi para makilala siya ng madla. Nakatanggap din siya ng plake bilang pagkilala sa kanyang husay at kaunting groceries para makatulong sa kanilang pamilya.

I-click ang larawan upang mapanood ang video ng GMA Network

Maraming netizens naman ang naniniwala na isang araw ay sisikat din ang batang ito dahil sa kanyang talento at mabuting kalooban. Sa dami raw ng talent show ngayon sa telebisyon, hindi malabong isang araw ay makita na lang siya na mapagwagian ang isa sa mga ito.

“Napaka-talented mo naman! Nakaka-inspire. Gamitin mo ang talento mo upang makaahon sa hirap. Ipakita mo pa sa maraming tao ang iyong talento. God bless,” pahayag ng isang netizen.

Source :

Facebook, YouTube

Loading…