“Notes” ng nanay sa kaniyang mga anak, kinaaliwan

  • Sawa ka na ba sa pasalitang sermon o mga bilin ng iyong ina, inay, nanay, nanang, mama, mommy, ermats, o momshie?
  • Bakit hindi subukang ipasulat na lamang ang mga bilin upang hindi na paulit–ulit? 
  • Iyan ang ginawa ng isang ina na nagsasaad ng kaniyang mga bilin sa mga “notes” na matatagpuan sa ilang bahagi ng kanilang bahay

Gagawin ng isang magulang, partikular ng isang ina, ang lahat ng maaari niyang gawin upang maproteksyunan at mapangalagaan ang kaniyang mga anak. Habang lumalaki ang mga supling, nakaantabay ang mga “ilaw ng tahanan” bilang mga patnubay at tanglaw.

Kaya naman, kinaaliwan ng mga netizens ang mga “notes” na nagpapakita ng mga bilin ng inang si “August Summers” para sa kaniyang mga anak. Batay sa kaniyang Facebook post, nag–iwan siya ng mga notes sa ilang bahagi ng bahay upang magsilbing paalala kung sakaling makalimot ang anak.

Imahe mula sa Facebook account ni August Summers

Ang note na nakalagay sa switch ng ilaw ay “Patayin ang ilaw kapag walang tao (malakas sa kuryente).” Para naman sa lababo, “Hugasan ang iyong pinagkainan. Wala kang katulong.” May paalala rin ang ina sa paggamit ng refrigerator. Nakalagay ang “Wag bukas nang bukas ng ref (Malakas sa kuryente).”

Kinabitan din ng paalala ang palikuran. Nakalagay ang “Pakitanggal ang tsinelas (Malinis ang CR). At ang panghuling paalala naman ay “Kung ayaw maglinis… wag magkalat.”

Marami naman sa mga netizens ang naaliw at nabagbag ang damdamin sa ginawa ng ina. Nanumbalik sa ilan ang kanilang alaala kapiling ang mga magulang.

Imahe mula sa Facebook account ni August Summers

Komento ng isa, “Kulang na lang tita may step 1, 2, at 3. Step 1, tumingin sa paligid kung may tao o wala. Step 2, bago patayin ang ilaw siguraduhing hindi basa ang kamay – kapag nakuryente, malaking gastos. Step 3, patayin mo na ang ilaw kapag na–check na ang step 1 at 2 hahaha.”

“May kulang… Huwag mag-aral, mag-wi-fi ka! Dahil ang pag–aaral ay nakakaistorbo sa wi-fi!,” pagbibiro naman ng isa.

Pagbabahagi naman ng isa pa, “Good rules! Magaya nga. Parang naririnig ko pa ang Nanang ko. Ganiyan din siya. Bawat kibot naming magkakapatid, may paalala siya. Nakakamiss lang na ngayong may mga anak na rin ako, ako naman ang ganiyan sa kanila!”

Isa itong patunay na walang ibang hangad ang isang magulang kundi ang ikabubuti ng kaniyang mga anak!

Source :

Facebook

Loading…