Nurse sa Wuhan City nagpakalbo upang mapabilis ang trabaho sa paglaban sa nCoV

  • Isang nurse sa Wuhan City nagpakalbo para mapabilis ang trabaho sa paglaban sa nCoV
  • Ang kanyang oras ay dapat daw magamit sa pagliligtas ng maraming pasyente
  • Sa kanyang pagpapakalbo ay maiiwasan daw ang cross-infection

Nagpakalbo ang isang nurse sa Wuhan, China – ang lugar na itinuturing na ground zero ng novel coronavirus o nCoV – upang umano ay mapabilis ang kanyang trabaho sa pag-aasikaso ng mga pasyente laban sa pagkalat ng sakit.

Imahe mula sa People’s Daily

Kinilala ang nurse bilang ang 30-year-old na si Shan Xia ng Renmin Hospital sa Wuhan University.

Ani Shan Xia, na ina ng dalawang anak, nagpakalbo siya upang maiwasan ang cross-infection at makatipid sa oras tuwing nagsusuot at nagtatanggal siya ng protective gear. Bawat minuto raw ay mahalaga sa pagliligtas ng pasyente.

“My time should be used for saving more lives,” pahayag ni Shan Xia.

Sa huling tala ay nasa 2,700 na ang kinapitan ng nCoV at umabot na sa 106 ang hindi nakaligtas sa karamdamang ito.

Upang matugunan ang dumaraming bilang ng mga pasyenteng kinakapitan ng nCoV, madaliang nagtatayo ngayon sa Wuhan City, ang capital ng Hubei Province, ng isang 1000-bed hospital – na tatawaging Wuhan Huoshenshan Hospital -na kailangang matapos sa loob lang ng sampung araw.

Imahe mula sa Guangzhou Daily

Inaasahang sa ika-3 ng Pebrero matatapos ang konstruksyon ng pagamutan. Ang mga construction workers ay binayaran umano ng tatlong ulit ng karaniwan nilang sahod dahil kinukonsidera ng Chinese government na ito ay isang emergency.

Ang Wuhan Huoshenshan Hospital ay gagamitin bilang quarantine at treatment center para lang sa mga pasyenteng kinapitan ng nCoV na mabilis ngayong kumakalat sa iba’t ibang panig ng China at sa ibang bansa.

Noong nakaraang Sabado, ika-25 ng Enero, napaulat na magpapatayo ng isa pang ospital sa Wuhan City – na tatawaging Wuhan Leishenshan Hospital – na kayang tumanggap ng hanggang 1,300 patients. Sa kalagitnaan ng Pebrero ang target date na matapos ang pagamutan.

Screenshot mula sa CGTN video

Loading…