OFW ng 21 taon, palaboy na ngayon; inabandona ng pamilya dahil hindi na raw makapagbigay ng pera

  • Trending sa social media ang kuwento ng isang matandang lalaki na OFW noon, palaboy na ngayon
  • Matapos daw kasi ang 21 taon na pagtatrabaho sa Saudi, kinailangang umuwi ni Tatay Ramon dahil sa isang karamdaman
  • Ngunit dahil daw wala na siyang maibigay sa pamilya niya ay inabandona siya at hinayaang magpalaboy-laboy na lamang

Upang magkaroon ng maginhawang pamumuhay ang pamilya, marami sa ating mga kababayan ang pinipiling magtrabaho sa ibang bansa. Kahit hindi tiyak ang kapalaran doon at kahit matagal na malalayo sa mga kaanak, buo pa rin ang loob ng ilang Pilipino na makipagsapalaran kapalit ng magandang kita.

Ngunit hindi pare-pareho ang kapalaran ng mga nagiging overseas Filipino workers (OFW). Ang iba ay nakuha ang tagumpay sa pangingibang-bansa habang ang iba naman ay hindi pinapalad na makaangat sa buhay sa kabila ng pagsusumikap. Ang ilan naman ay nakatikim ng tagumpay ngunit nalugmok din kalaunan.

Mula sa Facebook repost ni Aileen Mariquit Sombise

Ganito ang kuwento ng isang lalaki na viral sa social media ngayon.

Ayon sa repost ni Aileen Mariquit Sombise, isang lalaki raw ang palaboy-laboy na ngayon matapos ang 21 taong pagtatrabaho sa bansang Saudi Arabia. Pinabayaan na raw ito ng kanyang pamilya matapos nilang malamang wala na itong kinikitang pera.

Maganda raw ang trabaho at kita noon ni Kuya Ramon sa Saudi. Hindi na raw ito nakabuo ng sariling pamilya dahil naituon niya ang buong panahon sa pagtatrabaho para sa kanyang pamilya. Napag-aral daw nito ang mga kapatid at mga pamangkin dahil sa ganda ng kita nito sa ibang bansa. Gayunman, noong Disyembre 2018 daw ay kinailangan na niyang umuwi sa bansa dahil sa isang karamdaman.

Nahirapan na raw magtrabaho si Kuya Ramon dahil sa panghihina at pananakit ng kanyang buong katawan kaya minarapat na nitong huminto sa trabaho at umuwi sa bansa.  Ngunit dahil hindi na makapagbigay ng pera ngayon si Kuya Ramon, hindi na raw siya itinuring nang maayos ng mga kaanak na minsan niyang natulungan.

Dahil dito, napilitan siyang magpalaboy-laboy na lamang sa edad na 61 anyos. Ang dating marangyang si Kuya Ramon ay wala nang maayos na matulugan at wala na ring makain kung minsan. Sa Luneta raw matatagpuan ang kaawa-awang matanda at doon pansamantalang naninirahan.

Mula sa Facebook repost ni Aileen Mariquit Sombise

Ayon sa viral post, sana raw ay magsilbing aral ito para sa mga kababayan nating OFW. Huwag daw ibigay ang lahat sa ating mga kaanak at magtira para sa sarili upang sa oras na kailanganin natin ay mayroon tayong sariling ipon na magagamit.

Magkakahalo naman ang nararamdaman ng mga netizens sa sinapit ni Kuya Ramon. Naaawa sila sa kalagayan nito at naiinis naman sa mga kaanak na hindi man lamang tulungan ang taong minsang nagmalasakit sa kanila. May ilan ding netizen na nagbabahagi rin ng larawan ng ginoo na nakita nila nang minsang mamasyal sa Luneta. Nananawagan din ang iba ng ayuda para sa kaawa-awang matanda.

Loading…