P4-million talent fee ni Yorme mula sa Novuhair at Dimsum Factory PH ido-donate sa mga Taal evacuees

  • Talent fee ni Mayor Isko Moreno ibinigay sa mga nasalanta ng Taal
  • Nagkakahalaga ng P4 million ang talent fee ng alkalde mulasa Novuhair at Dimsum Factory PH
  • 5 million naman ang donasyon ng Lungsod ng Maynila para sa mga bayang apektado ng Taal

Nagbigay si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ng donasyong nagkakahalaga ng apat na milyong piso para sa mga residente ng Batangas na lubos na naapektuhan ng pagputok ng Taal Volcano.

Screenshot mula sa video ng Manila PIO

Ayon sa Manila Public Information Office, ang donasyon ni Yorme ay galing sa talent fee niya sa kanyang mga product endorsements. Ang dalawang milyong piso ay talent fee niya mula sa Novuhair habang dalawang milyong piso rin ang mula sa Dimsum Factory PH.

Sa isang video, makikita ang alkalde ng Lungsod ng Maynila na pumirma ng kontrata sa Novuhair at Dimsum Factory PH kasama ang mga oipisyal ng dalawang nabanggit na kumpanya.

Bukod sa kanyang talent fee, nauna nang nagbigay ang Lungsod ng Maynila ng halagang dalawa at kalahating milyong piso sa limang bayan sa Batangas na pinakana-apektuhan ng pagsabog ng Taal Volcano kabilang ang Talisay, Taal, Agoncillo, Lemery, at Laurel.

Sinabi ng Manila Public Information Office na ang nasabing donasyon ay nanggaling local disaster risk reduction and management fund ng lungsod.

Screenshot mula sa video ng Manila PIO

Nauna nang nakiusap si Mayor Isko Moreno sa publiko na sana ay huwag bigyan ng “kulay-politika” ang ginagawa ng Lungsod ng Maynila na pamamahagi ng tulong sa mga nasalanta ng Taal.

“Kung kayo naman ay kinakabahan, hindi po ako tatakbong Presidente. Para mapanatag kayo, hindi po. Huwag ako,” anang alkalde.

Aniya, nagsisilbing inspirasyon para sa kanila ang mga tao, kabilang ang mga kabataan, na handang tumulong sa iba.

“Kung kayo na wala sa pamahalaan nagmamalasakit sa ‘min, eh bakit kami hindi magmalasakit sa kapwa namin,” paliwanag ni mayor.

Loading…