P5k inilaan ng DA para sa bawat isang kabayong nasagip

Imahe mula sa PAWS at Stand for Truth
  • Naglaan ng P5,000 ang Department of Agriculture Region IV-A para sa mga kabayo na nasagip mula sa Taal Volcano island
  • Nagbibigay raw sila ng tulong nang sa ganoon ay maipreserba ang genetics ng mga kabayo
  • Samantala, may ilan nang mga may-ari ng kabayo ang naibenta na ang mga ito sa pagnanais na magkaroon ng pera habang nasa evacuation center

Hindi lang mga tao ang naapektuhan ng pagsab0g ng Bulkang Taal. Marami ring mga hayop ang naapektuhan nito. Sa katunayan, nagtulungan ang iba’t ibang mga organisasyon at indibidwal upang mailikas din at mailagay sa ligtas na lugar ang mga alagang naiwan ng mga nagsilikas na amo.

Imahe mula sa video ng Stand for Truth via YouTube

Ayon sa post ng Philippine Animal Welfare Society (PAWS) noon, nagtulungan na lang ang mga may-ari ng mga kabayo sa Taal Volcan0 island upang mailigtas ang mga ito. “Wala namang maaasahan so kami na lang,” sabi raw ng isang may-ari nito.

Samantala, naglaan naman ang Department of Agriculture Region IV-A ng P5,000 para sa bawat isang kabayo na nasagip mula sa Taal Volcano island.

“Para ma-conserve at ma-preserve natin yung genetics ay magbibigay tayo ng financial assistance at zero interest at babayaran nila sa loob ng walong taon,” sabi ni DA Region IV-A Director Arnel de Mesa sa Stand for Truth.

Nasa Livestock Emergency Operations ang 55 na mga kabayo na nailigtas. Isa na rito ay ang kabayo na pagmamay-ari ni Albert Cacao.

Kuwento niya, ginagamit ito noon ng mga turista sa pag-akyat sa Taal. Kapag nakaalis na raw doon ay balak ng kaniyang ama na ibenta ang kabayo. “Ibebenta kasi hindi na kami makakabalik doon, lubog na po e. Ayaw ko po ipagbenta ‘yan pero wala naman ako magagawa,” sabi niya.

Imahe mula sa video ng Stand for Truth via YouTube

Naiintindihan naman ito Equine Practitioner Dr. Jay Tolentino dahil natural daw na isipin ng mga bakwit kung paano sila kikita ng pera lalo na’t matagal-tagal  na rin silang nananatili sa mga evacuation center.

Pero hiling niya, ibenta na lang daw sana sa mga private farm at ‘wag sa mga slaughter house upang hindi ito katayin.

Loading…