Pagkasira ng ilang parte ng Jones Bridge noong bagong taon, ikinalungkot ng mga opisyal

  • Ikinalungkot ng mga opisyal ng Maynila ang pagkasira ng ilang bahagi ng Jones Bridge
  • Matatandaan na noong bisperas ng bagong taon ay nahuli sa akto ng mga awtoridad ang isang lalaki habang ito ay nagnanakaw ng kable sa nasabing tulay
  • Umabot sa P17,450 ang nagastos sa muling pagpapaayos ng mga nasirang materyales maliban pa sa naunang P20 million noong nakaraang taon na ginamit sa pagpapaganda at pagpapailaw ng Jones Bridge

Ilang buwan matapos maisagawa ang restoration sa makasaysayang Jones Bridge ay muli itong ipinaayos ng mga opisyal ng Maynila dahil na rin sa pagkasira ng ilang bahagi nito.

Imahe mula sa Facebook video ng GMA News

Matatandaan na kasagsagan ng Media Noche nang makita ng mga awtoridad sa akto ang isang lalaki habang namumutol ng kable sa gilid ng Jones Bridge sa Maynila.

Sa programa ng GMA News na Stand For Truth, isinalaysay nina PC Nolimar Valdez at PC John-zen San Gabriel kung paano nila nahuli ang lalaki sa gilid ng tulay.

“Noong paakyat kami doon, nagpapatrolya kami, ‘yung mobile dala namin, andito siya,” ani PCpl Valdez habang itinuturo ang puwesto ng lalaki noong bisperas ng bagong taon. Dagdag nito, “Nakaupo siya, naka-ganun siya oh.”

“Tapos noong pagbaba namin, nilapitan namin. Ang sabi niya pa, ‘Sir kunin ko lang ito a,’” sabi naman ni PCpl San Gabriel.

Bagama’t nadala na sa kulungan ang lalaki, ikinalungkot pa rin ng mga opisyal ang nangyari sa tulay matapos itong gastusan at pagandahin ng pamahalaan ng Maynila.

“Kumpleto siya. Napakaganda ng Jones Bridge. Kaya nakalulungkot lang na mayroon tayong mga kababayan na sa halip na tumulong, ito ninakawan pa ng ilaw ‘yung Jones Bridge,” ani Engr. Armando Andres ng Department of Engineering ng Public Works ng Maynila.

Imahe mula sa Facebook video ng GMA News

Umabot umano sa P17,450 ang nagastos ng pamahalan para sa muling pagpapagawa ng mga nasirang materyales sa nasabing tulay.

“Kasama ‘yung sa reinstallation, pati yung installation cost, ‘yung materials na ninakaw. Pero immediately naayos naman natin kagabi,” ani Engr. Andres.

Nobyembre noong nakaraang taon nang ipinagdiwang ng lokal na pamahalaan ang pagpapailaw sa Jones Bridge. Tinatayang nasa P20 million umano ang kanilang nagastos upang mapaayos at mapaganda ito.

Imahe mula sa Manila PIO

Loading…