Pagtatayo ng ‘Tondominium’ para sa mga iskuwater sa Maynila, plano nang simulan ni Yorme

  • Malaking suliranin sa Maynila ang mga iskuwater na matagal na ring naninirahan sa lungsod
  • Sa taong ito, sisimulan na ni Mayor Isko Moreno ang paglutas sa suliraning ito sa pamamagitan ng vertical housing
  • Magtatayo sila ng dalawang Tondominiums para sa mga iskuwater ng lungsod

Sa taong ito, pagtutuunan ng pansin ni Manila City Mayor Isko Moreno ang paglutas sa suliranin hinggil sa mga informal settlers o iskuwater sa Maynila.

Imahe mula sa Wikimedia (Judgefloro)

Plano ng lokal na pamahalaan ng lungsod na simulan ang “in-city housing project” o ang tinatawag na “Tondominiums” sa Tondo at sa Binondo.

Sa panayam ng ABS-CBN, sinabi ni Moreno na nais niyang ipakita sa mga tao kung paano magtayo ng vertical housing sa Maynila na magsisilbing tirahan sa mga pamilyang nakatira sa mga iskuwater.

Sinabi rin ni Moreno na nakakuha na sila ng dalawang lote sa Tondo na may sukat na 3,000 at 2,000 square meters kung saan balak nilang tayuan ng mga gusali.

“We’re going to build Tondominium 1, Tondominium 2. We’re going to utilize whatever space that we have. Noong araw pag sinabi mong Tondominium patung-patong lang ‘yung bahay. The way it is being perceived can be utilized in our advantage,” paliwanag ni Moreno ayon pa sa report ng ABS-CBN.

Upang magkaroon ng sapat na pondo, nangutang umano ang lokal na pamahalaan ng Maynila ng limang bilyong piso sa Development Bank of the Philippines. Maaari din daw silang makautang ng sampung bilyong piso sa Land Bank.

Imahe mula sa Wikimedia (Judgefloro)

Binigyang-diin naman ni Moreno na ang perang mauutang ay gagamitin para sa social amelioration program ng Maynila. Bahagi nito ang pabahay, pangangalaga sa kalusugan, parke, health centers, at iba pa na makatutulong sa mga naninirahan sa lungsod.

Sa nilagdaang 2020 budget ng Manila City government, humigit-kumulang sa 1.8 milyong piso ang nakalaan para sa kanilang social amelioration program kung saan tinatayang 301,092 ang mga beneficiaries.

Loading…